Ibinahagi ni Veronica "Kitty" Duterte ang isang screenshot na naglalaman ng ipinaaabot na mensahe ni dating Pangulong Rodrigo Duterte para sa kaniyang pamilya, habang naka-detine pa rin sa International Criminal Court (ICC) Detention Center sa The Hague, Netherlands.
Makikita sa Instagram story ni Kitty ang mensahe raw ng dating Pangulo para sa kaniya, sa kaniyang common law partner na si Honeylet Avanceña, at mga anak na sina Vice President Sara Duterte, Representative Paolo "Pulong" Duterte, at Davao City Mayor Sebastian "Baste" Duterte.
Para kay Kitty, pinapasabi ng kaniyang ama na nabasa raw nito ang mensahe ng bunsong anak para sa kaniya, at masaya raw ang dating Pangulo at ipinagdiinan ang pagmamahal niya rito.
Pagmamahal din para sa kaniyang partner at ina ni Kitty na si Honeylet ang pinapasabi ng dating Pangulo. "I love my wife," saad daw nito.
At para naman sa mga anak, "Be strong and find a purpose in life. I have found mine. I love you."

Ipinakita rin ni Kitty sa Instagram story ang mensaheng ipinadala niya para sa ama, sa huling gabi niya sa The Hague.
Noong Marso 11, dinakip si Duterte ng ICC dahil sa kasong "crimes against humanity" kaugnay ng madugong war on drugs sa kaniyang administrasyon.