Inanunsiyo ng Vatican ang pagpanaw ni Pope Francis sa edad na 88 nitong Lunes ng umaga, Abril 21.
Bago pa man ito, nakaranas na ng malubhang karamdaman ang Santo Papa matapos niyang maospital noong Pebrero dahil sa sakit na bronchitis na kalaunan ay naging double pneumonia.
Bagama’t nakakalungkot na balita ang kaniyang kamatayan, hindi maitatangging mapalad ang sangkatauhan dahil may isang Pope Francis na umiral minsan sa kasaysayan.
Kaya nararapat lang ding ipagdiwang ang makabuluhang buhay niya sa mundo bago siya namaalam.
Isinilang si Pope Francis o Jorge Mario Bergoglio sa tunay nitong ngalan sa Buenos Aires, Argentina noong Disyembre 17, 1936. Nag-aral siya ng high school upang maging chemical technician at nagtrabaho sa food-processing industry. Ngunit kalaunan naramdaman umano niyang tinatawag siya ng Diyos.
Bago maordenahan bilang pari noong 1966, nagturo muna si Pope Francis ng literatura at sikolohiya sa high school kasabay ng pag-aaral ng teolohiya.
Kaya naman tila hindi na rin bago sa kaniya nang magsilbi siyang seminary teacher sa Germany noong 1980s habang pinagsasabay ang graduate studies at pagiging rektor.
Pagdating ng 1998, naging arsobispo na si Pope Francis ng Buenos Aires hanggang sa tuluyang italaga bilang cardinal noong 2001.
Makalipas ang labindalawang taon, Marso 13, 2013, iniluklok si Pope Francis bilang ika-266 na Santo Papa ng Simbahang Katolika kasunod ng nagbitiw na si Pope Benedict XVI.
Si Pope Francis ang kauna-unahang Santo Papa mula South America at Jesuit order. Nakilala siya sa mga progresibo niyang pananaw partikular sa usapin ng same sex unions at diborsyo. Nagsalita rin siya laban sa iba’t ibang anyo ng abuso at inhustisya.
Sa katunayan, sa kaniyang huling homiliya sa St. Peter's Basilica sa pagdiriwang ng Pasko ng Pagkabuhay noong Linggo, Abril 20, nanawagan siya ng tigil-putukan sa Palestine.
Kaya naman hindi nakapagtatakang itinuturing ng marami si Pope Francis bilang “People’s Pope.”
Paalam at Salamat, Pope Francis!