Sinagot ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Claire Castro ang umano’y hamon ni dating Presidential spokesperson Atty. Harry Roque kay Sen. Imee Marcos kaugnay ng paggamit umano ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ng ilegal na droga.
Sa press briefing nitong Lunes, Abril 21, 2025, tahasang tinawag ni Castro na isa na umanong “fake news peddlers,” si Roque.
“Unang-una po, si Atty. Harry Roque ay lumalabas na ngayon bilang isang fake news peddler,” ani Castro.
Inungkat din niya ang kinasasangkutang akusasyon kay Roque na nasa likod umano nang pagpakakalat ng polvoron video—isang video ng umano’y ebidensya raw ng paggamit ni PBBM ng ilegal na droga.
KAUGNAY NA BALITA: Harry Roque, itinuturong nasa likod ng ‘polvoron video’ ni PBBM
“Siya po ang sinasabing nagpakalat ng isang fake polvoron video. At ngayon wala pa siyang napapatunayan at wala siyang ebidensiya kahit na nga 'yong kaniyang mga ebidensya sa Quad Comm ay hindi pa rin niya napapatunayan. Ngayon ay naghahanap pa siya ng tulong para makapagbigay ng ebidensya. Sila po ang nagsasabi ng ganitong klaseng akusasyon. Hindi na niya kakailanganin ng tulong kung mayroon po siyang ebsidenya,” saad ni Castro.
Nang tanungin kung may mensahe pa raw si Castro para kay Roque, giit niya, “Go home!”