Nagbigay ng reaksiyon si human rights lawyer Atty. Kristina Conti kaugnay sa pagbasura ng International Criminal Court (ICC) sa hiling ng defense team ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na higpitan ang ID requirements para sa mga biktima ng giyera kontra droga.
Sa latest episode ng “Morning Matters” nitong Lunes, Abril 21, sinabi ni Conti na inasahan daw niya ito alinsunod sa jurisprudence ng korte.
“Dati na itong nailagay ng ICC na puwede namang magpatunay ng identity ang kahit anong ID sa kanila noon. Dahil ‘yong pagkakataon sa kanila, mayro’ng nasunog, nag-evacuate sila, nasa refugee camp sila. Kaya binigyan ng parang guidance na ito ang sitwasyon ngayon,” saad ni Conti.
“In the Philippines situation, clearly the court favored the existing condition that the National ID system is not comprehensive; it is not mandatory as yet; and it’s not even complete, ‘di ba. May mga papel pa lang ang hawak,” wika niya.
Dagdag pa ni Conti, “Not everybody has passport. So, we welcome this development.”
Si Conti ang tumatayong Assistant to Counsel sa ICC na kakatawan sa mga biktima ng EJK ng administrasyong Duterte.