Nanguna ang reelectionist na si Senador Bong Go sa April senatorial survey ng Social Weather Stations (SWS) para sa 2025 midterm elections.
Ayon sa survey ng SWS na inilabas nitong Lunes, Abril 21, nanguna si Go sa listahan ng senatorial candidates matapos siyang makakuha ng 45% na voter preference.
Pumangalawa naman sa survey si ACT-CIS Party-list Rep. Erwin Tulfo na nakakuha ng 43% voter preference, at pumangatlo si Senador Lito Lapid na may 34%.
Kapwa nasa 4th at 5th spot sina dating Senate President Tito Sotto at Senador Pia Cayetano matapos silang makakuha ng 33% voter preference, habang nakuha ni Senador Bato dela Rosa ang 6th ranking nang makatanggap ng 32% voter preference.
Nag-tie sa ikapito at ikawalong puwesto sina Senador bong Revilla at media personality Ben Tulfo na parehong may voter preference na 31%.
Pasok din sa magic 12 sa naturang survey sina Makati City Mayor Abby Binay (29%), Las Piñas Rep. Camille Villar (28%), dating Senador Ping Lacson (26%), at dating Senador Manny Pacquiao (25%).
Samantala, nakuha nina TV host-comedian Willie Revillame at Senador Imee Marcos ang 13th at 14th place, matapos nila makakuha ng 24% voter preference.
Nasa ika-15 at ika-16 na puwesto naman sina dating Senator Bam Aquino at Kiko Pangilinan nang makuha nila ang voter preference na 21%, habang nag-tie rin sina actor Philip Salvador at dating Interior Secretary Benhur Abalos sa 17th-18th place nang makuha nila ang 18% voter preference.
Isinagawa ang Stratbase-SWS April 2025 National Survey mula Abril 11 hanggang 15, 2025, sa pamamagitan ng face-to-face interviews ng 1,800 registered voters sa bansa.
Nakatakdang ganapin ang 2025 midterm elections sa Mayo 12, 2025.