Nagluluksa ang mga Katoliko hindi lamang sa Vatican City kundi maging sa buong mundo matapos ang balita ng pagpanaw ni Pope Francis sa gulang na 88.
Sumakabilang-buhay na si Pope Francis nitong Lunes ng umaga, Abril 21, ayon sa Vatican.
Base sa ulat ng Associated Press, inanunsyo ni Cardinal Kevin Ferrell, Vatican camerlengo, na yumao si Pope Francis sa edad na 88 dakong 7:35 ng umaga sa oras ng Vatican (1:15 ng hapon sa oras ng Pilipinas).
“At 7:35 this morning, the Bishop of Rome, Francis, returned to the home of the Father. His entire life was dedicated to the service of the Lord and of his Church,″ ani Farrell.
“He taught us to live the values of the Gospel with faithfulness, courage, and universal love, especially for the poorest and most marginalized."
“With immense gratitude for his example as a true disciple of the Lord Jesus, we commend the soul of Pope Francis to the infinite, merciful love of God, One and Tribune,” dagdag pa.
Nito lamang Linggo ng Pagkabuhay, Abril 20, nang magkaroon pa ang Santo Papa ng maikling appearance sa misa sa Vatican.
MAKI-BALITA: Pope Francis, pumanaw na sa edad na 88
Kamakailan nang makaranas ang Santo Papa ng malubhang karamdaman matapos siyang maospital noong Pebrero dahil sa sakit na bronchitis, ngunit na-develop daw ito at naging double pneumonia.
Subalit nakarekober pa ang Santo Papa ayon na rin sa kumpirmasyon ng Vatican City.
Hindi pa man humuhupa ang sakit sa damdaming dulot ng pagpanaw nina Asia's Queen of Songs Pilita Corrales at National Artist for Film and Broadcast Arts at Superstar Nora Aunor, heto't may bagong ipagluluksa na naman ang mga Pilipino dahil sa pagpanaw ng Santo Papa.
Mahal ng mga Pilipino si Pope Francis, at ipinamalas ito ng sambayanan nang magsagawa ng papal visit ang Santo Papa sa Pilipinas noong 2015, bago matapos ang administrasyon ng pumanaw na si dating Pangulong Noynoy Aquino.
Enero 15, 2015, sinalubong ng mga Pilipino si Pope Francis, kasabay pa ng sayaw at kanta ng nasa isanlibong kabataan. Sabay-sabay ring pinatunog ang kampana ng mga simbahan sa Pilipinas.
Isa sa mga pangunahing layunin ni Pope Francis sa pagbisita sa Pilipinas ay upang kumustahin ang mga naging biktima ng bagyong Yolanda, na maituturing na isa sa mga pinakamalagim na pananalasa ng bagyo sa bansa, partikular sa Tacloban. Ang tema ng kaniyang pagbisita sa bansa ay "Mercy and Compassion."
Ganap na 5:32 ng hapon, dumating ang sinasakyang Sri Lankan Airline A340 ng Santo Papa na lumapag sa runway 06 ng Villamor Air Base sa Pasay City. Bukod sa kaniya, kasama pa niya ang nasa 31 delegado mula sa Sri Lanka.
Siyempre pa, isa sa mga sumalubong kay Pope Francis si dating Pangulong Aquino kasama ang 12 miyembro ng Gabinete habang pinatutugtog ang pambansang awit ng Vatican City, at kasunod naman ang pambansang awit ng Pilipinas.
Lumakad ang Santo Papa at mga kasamang delegado sa red carpet habang isinasagawa naman ang "review of honors." Nagbigay-pugay ang dating Pangulo sa Santo Papa sa pamamagitan ng paghalik at pagmano.
Humalik at nagmano ang Pangulo, mga miyembro ng Gabinete, mga arsobispo, obispo, at opisyales ng Catholic Bishop Conference of the Philippines (CBCP) sa Santo Papa nang salubungin nito sa ibaba ng eroplano.
Pagkatapos ng handog na sayaw at awitin ng kabataan, sumakay na ang Santo papa sa Popemobile at isinagawa na ang motorcade hanggang sa Apostolic Nunciature sa Taft Avenue, Maynila na dumaan naman sa Roxas Boulevard. Dito ay kumaway ang Santo Papa sa mga debotong Katolikong nais siyang masilayan.
6:56 ng gabi, tumuloy ang Santo Papa sa Papal Nunciature na nagsisilbing Embassy ng Holy See sa bansa.
Enero 16 ng umaga, nagtungo si Pope Francis sa Malacañang para sa courtesy call kay dating Pangulong Aquino.
Pagkatapos ay dumiretso ang Santo Papa sa Manila Cathedral para sa isang banal na misa, at kalaunan, nagtungo sa SM Mall of Asia Arena para naman sa meeting of families.
Enero 17, 2025, nagdaos ng misa ang Santo Papa sa Tacloban Airport para sa mga biktima ng bagyong Yolanda. Tinatayang nasa 500,000 katao ang nagtungo rito upang makinig sa kaniyang homiliya.
Kung sinalubong sa pagdating, inihatid pa rin ng dating Pangulong Aquino si Pope Francis sa pag-alis nito sa Pilipinas pabalik ng Roma, kasama ang noo'y dating Pangalawang Pangulo Jejomar Binay.
Umalis ang Santo Papa noong Enero 19.
Bago tuluyang umalis, binasbasan pa ni Pope Francis ang mga Pilipinong naghihintay sa labas ng Papal Nunciature.
Nakalulan si Pope Francis sa eroplano bandang 9:49 ng umaga, habang kumakanta ang mga tao ng "Tell the World of His Love," "We Are All God's Children," at “Only Selfless Love."
Naispatang kumakaway pa mula sa loob ng eroplano ang Santo Papa bago tuluyang lumipad.
Dahil sa ipinamalas na kababaang-loob ni Pope Francis, tinagurian siyang "People's Pope."