Ang Santo Papa ang tumatayong lider ng Simbahang Katolika. Batay sa paniniwala ng Romanong Katoliko, Santo Papa ang "living successor" ni San Pedro, na kinikilalang lider ng 12 disipulo ni Hesus.
Isang sagrado at mahabang proseso ang pagpili ng susunod na Santo Papa na pinangungunahan ng mga Cardinal.
Ayon sa inilathala ng AP News, tanging ang mga Cardinal na nasa edad 80 taong gulang pababa lamang ang maaaring bumoto sa eleksyong magaganap upang pumili ng bagong Santo Papa.
Ang Pagkabakante ng Papacy
Sa pagkabakante ng posisyon ng Santo Papa, ayon sa United States Conference of Catholic Bishops, nakatakdang pamunuan ng College of Cardinals ang Simbahang Katolika.
Kasunod nito, magkakaroon ng pagtitipon ang lahat ng mga Cardinal upang pagpulungan ang nakatakdang papal election, na mas kilala sa tawag na "conclave."
Ang Conclave
Ilang araw matapos ang pagpanaw ng Santo Papa, sisimulan ang proseso ng conclave sa pamamagitan ng "Pro eligendo Romano Pontificie," o Mass for the election of a pope. Habang ang mga Cardinal na maaari lamang bumoto ay tatawaging Cardinal Electors.
Isinasagawa ang conclave sa Sistine Chapel—isang close door election na sinusumpaan ng mga Cardinal.
Ang proseso ng pagboto
Isinusulat ng bawat Cardinal ang kani-kanilang boto isang papel at saka nila ito itinutupi nang dalawang beses bago ilagay sa isang lalagyanan. Tinatayang nasa apat na beses umano isinasagawa ang pagboto kada araw, hangga't walang Cardinal ang nakakakuha ng 2/3 na bilang ng boto.
Ang signal smoke
May dalawang kulay ng signal smoke ang inihuhudyat ng Vatican sa resulta ng bawat eleksyon. Habang wala pang nakakakuha ng 2/3 na boto, sinusunog ang mga balota at hinahaluan ng kemikal upang maglabas ito ng maitim na usok. Ito ay nangangahulugang wala pang napipiling susunod na Santo Papa.
Nakadepende sa resulta ng eleksyon ang itatagal ng conclave. Kapag nakakuha na ng nasabing kaukulang bilang ang isang Cardinal, dito na mamamagitan ang dean of the College of Cardinal upang tanungin ang napiling Cardinal kung tinatanggap niya ang resulta ng eleksyon.
Ang pagkakapili sa bagong Santo Papa
Bago tuluyang ihayag ang bagong Santo Papa sa pamamagitan ng puting usok, nakatakda munang pumili ng "Papal name" ang nasabing elected Cardinal at saka siya bibihisan ng papal vestment. Matapos nito, saka siya ihaharap sa balkonahe ng St. Peter's Basilica upang ipakilala sa buong mundo.
Matatandaang binakante ni Pope Francis ang posisyon ng Santo Papa na kaniyang pinamunuan sa loob ng 12 taon sa kaniyang pagpanaw nitong Lunes, Abril 21, 2025. Siya ang sumunod sa binakanteng posisyon noon ni Pope Benedict XVI matapos ang kaniyang pagreretiro.
KAUGNAY NA BALITA: Pope Francis, pumanaw na sa edad na 88