April 21, 2025

Home FEATURES Human-Interest

ALAMIN: Ano-ano ang benepisyong natatanggap ng isang National Artist?

ALAMIN: Ano-ano ang benepisyong natatanggap ng isang National Artist?
Photo Courtesy: NCCA (FB)

Nagdalamhati hindi lamang ang showbiz industry kundi maging ang sambayanang Pilipino sa pagpanaw ni National Artist for Film and Broadcast Arts at Superstar Nora Aunor noong Miyerkules, Abril 16. 

Sa katunayan, dinagsa ng Solid Noranians ang burol niya sa Heritage Park sa Taguig City noong Linggo, Abril 20.

Hindi ito nakapagtataka sapagkat sa kabila ng taglay niyang husay at rurok ng tagumpay na narating niya, nanatili siyang karaniwan. Mapagkumbaba. At hindi kinalimutan ang uring pinagmulan. 

Sabi nga ng manunulat na si Jerry Gracio, “Siya ang Superstar, pero nakatapak ang paa sa lupa. Ang pinakamaningning na bituin sa showbiz, pero nananatiling nasa labas ng showbiz kaya madaling abutin ng mga tao, puwede mong makasamang tumambay, magyosi.”

Human-Interest

#BALITAnaw: Ang makasaysayang pagbisita ni Pope Francis sa Pilipinas noong 2015

Pumanaw si Nora na isang Pambansang Alagad ng Sining. Iginawad sa kaniya ng Malacañang ang naturang pagkilala noong 2022 kasama ang screenwriter na si Ricky Lee sang-ayon sa joint recommendation ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) at Cultural Center of the Philippines (CCP).

Ito ang pinakamataas na pagkilalang maaaring matanggap ng isang manlilikha sa bansa na nag-ambag ng husay at talento sa mga sumusunod: sayaw, musika, literatura, pelikula, broadcast arts, teatro, arkitektura, at iba pa.

Naisakatuparan ito sa pamamagitan ng Presidential Decree No. 208 na pinirmahan ni dating Pangulong Ferdinand Marcos, Sr. noong Hunyo 1973.

Pero bukod sa titulong “National Artist” na maididkit sa pangalan ng sinomang mahihirang, ano-ano pa nga ba ang mga benepisyo o pribilehiyo ang matatanggap ng isang taong mayroon nito?

Ayon sa NCCA, sa oras na hirangin bilang National Artist ang isang manlilikha ay tatanggap siya ng gold-plated medallion na hinulma ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP). 

Kung nabubuhay pa ang pararangalan, pagkakalooban siya ng ₱200,000. Magkakaroon din siya ng hospitalization at medical benefits na hindi lalampas sa ₱750,000 kada taon. Samantala, kada buwan naman ay lifetime personal stipend na nagkakahalaga ng ₱50,000.

Bukod pa rito, bibigyan din siya ng lifetime insurance policy ng Government Service Insurance System (GSIS) o/at pribadong insurance company mula sa araw na hirangin siyang National Artist. Kapag naman namatay siya, magsasagawa ang pamahalaan ng State Funeral. 

Ngunit hindi rito natatapos ang lahat, dahil kahit namatay na ang Pambansang Alagad ng Sining, patuloy pa rin siyang aalalahanin sa pamamagitan ng mga seremonya at kultural na pagtatanghal.

Samantala, kung ang isang pararangalan naman ay pumanaw na, makakatanggap pa rin ang legal na tagapagmana niya ng ₱150,000.

KAUGNAY NA BALITA: Nora Aunor, pumanaw na sa edad na 71

KAUGNAY NA BALITA: Acute respiratory failure, ikinamatay ni Nora Aunor