Inihayag ni Commission on Elections (Comelec) Chairman George Erwin Garcia na 99.9% umano ang accuracy rate sa isinagawang Random Manual Audit ng komisyon noong mga nakaraang eleksyon.
Sa press briefing nitong Lunes, Abril 21, 2025, ipinaliwanag ni Garcia ang layunin ng nasabing manual auditing pagkatapos ng eleksyon.
“Sinasabi, pagkatapos ng bawat eleksyon, mayroon tayong gagawin na Random Manual Audit. Pipili, at yung pagpili ay hindi yung basta mo lang pinili. 'Yan ay mayroong proseso ng pagpili nung mga presinto na magka-conduct ng random manual audit,” ani Garcia.
Dagdag pa niya, “Ibig sabihin, titignan yung lahat ng laman. Bibilangin yung mga balota pati yung iba pang mga gamit na nandoon sa loob ng ballot box ay aalamin, titingnan. At titingnan din kung ito ay tumutugma—yung bilang ng mga balota, manually counted doon sa mismong result ng machine, na mayroon namang election returns. So aalamin natin 'yan.”
Giit pa niya, magmula umano noong 2010 hanggang sa nakaraang eleksyon noong 2022, nasa 99.9% tumugma raw ang mga resulta mula sa counting machine at manual auditing.
“For the last several years, since 2010, [20]13, [20]16, [20]19, 2022, [ay] 99.9% lagi ang accuracy ng random manual audit natin. At 'yan po ay kasama po natin, hindi lamang po ang Comelec, kasama po namin ang iba't ibang civic society at ibang ahensya ng pamahalaan,” saad ni Garcia.
Paliwanag pa ni Garcia, “Sila ang magsasabi, 'bumilang ba ng tama ang mga makina? Nakaboto ba nang maayos yung mga botante natin?' Iyan ang purpose ng random manual audit.”