Ibinalita ng Department of Migrant Workers (DMW) na nakauwi na sa bansa ang isa sa 17 overseas Filipino workers (OFW) sa Qatar matapos mawalan ng trabaho nang maaaresto at madetine noong Marso dahil sa "unauthorized political demonstrations" sa nabanggit ng bansa.
Matatandaang noong Marso 28 nang kumpirmahin ng Philippine Embassy in Qatar na inaresto at ikinulong ang ilang mga Pinoy doon dahil sa "unauthorized political demonstrations" sa naturang bansa.
MAKI-BALITA: Ilang Pinoy sa Qatar, inaresto at ikinulong dahil sa umano'y 'political demonstrations'
Pinagkalooban naman ang 17 OFWs ng "provisional release" noong Abril 3.
MAKI-BALITA: 17 Pinoy na inaresto sa Qatar, pinagkalooban ng provisional release – DMW
Kasunod nito, ibinalita ni Pangulong Bongbong Marcos noong Abril 7 na hindi na kakasuhan ng Qatar ang mga OFW.
Natanggap daw ni Marcos ang tinawag niyang magandang balita matapos ang naging pag-uusap nila ng Ambassador ng Qatar sa Pilipinas na si H.E. Ahmed Saad Nasser Abdullah Al Homidi.
MAKI-BALITA: PBBM, masayang 'di na kakasuhan 17 OFWs sa Qatar
Sa isang pahayag nitong Lunes, Abril 21, ibinahagi ng DMW na sinalubong ng kaniyang pamilya ang 36-anyos na babaeng OFW sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 noong Linggo, Abril 20.
Ayon sa DMW, tanging ang Pinay OFW lamang ang naapektuhan ang trabaho matapos magpasya ang amo nito na i-terminate ang serbisyo nito dahil sa nangyaring insidente noong Marso.
Ang Pinay OFW ay naging domestic helper sa Kuwait noong 2016-2019 at nagsimulang magtrabaho sa Qatar noong 2019. Mayroon siyang dalawang anak na may edad 16 at 12.
Sa kaniyang pagbabalik sa Pilipinas, magbibigay ng "training, reemployment, at livelihood assistance" ang OWWA.
“We shall provide training, reemployment, and livelihood assistance as she is interested in the field of culinary arts, and accounting as well,” saad ni Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac.
Nakatanggap ng financial assistant ang Pinay OFW mula sa AKSYON Fund ng DMW, training scholarship certificate mula sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), at pagkakataong maka-avail ng iba't ibang livelihood programs.