April 20, 2025

Home BALITA

Makabayan bloc, nakiisa sa burol ni Nora Aunor; binalikan pakikisama niya sa masa

Makabayan bloc, nakiisa sa burol ni Nora Aunor; binalikan pakikisama niya sa masa
Photo courtesy: Kabataan Partylist/Facebook

Nakiramay at pumunta ang ilang Makabayan bloc candidates sa burol ni National Artist for Film and Broadcast Arts at Superstar Nora Aunor.

KAUGNAY NA BALITA: Nora Aunor, pumanaw na sa edad na 71

Sa Facebook post ng Kabataan Partylist (KPL) noong Sabado, Abril 19, 2025, ibinahagi nila ang ilang larawan ng batikang aktres at mang-aawit na naging parte umano ng pakikibaka ng masa. 

"Taos-pusong pakikiramay ang ipinapaabot ng Kabataan Partylist sa mga kamag-anak at kaibigan ng yumaong Superstar ng Masa at National Artist na si Nora Aunor," anang KPL. 

Eleksyon

VP Sara, nag-eendorso raw para sa impeachment trial—solons

Dagdag pa nila, kaisa raw nila si Nora sa ilang mga naging mahahalagang kaganapan sa bansa. 

"Sa kanyang makulay na buhay, naging kaisa rin siya sa iba’t ibang pakikibaka ng taumbayan—sa pagpapatalsik sa korap na dating-Pangulong Joseph Estrada, sa pagpapanawagan ng dagdag-sahod para sa mga manggagawa’t kaguruan, at sa paniningil ng hustisya para sa mga biktima ng Kidapawan Massacre at para kay Flor Contemplacion na isang Pilipinong biktima ng pang-aabuso sa ibayong dagat," anila. 

Samantala, ilan sa mga kandidato ng Makabayan bloc na pumunta sa nasabing burol ni Nora ay sina senatorial aspirant at ACT-Teacher's Party-list Representative na si France Castro, at Gabriela Party-list Representative Liza Maza at KPL first nominee na si Atty. Renee Co.

Saad pa ng KPL, mananatili umanong inspirasyon ang batikang aktres sa kabila ng kaniyang pagpanaw.

"Bagamat pumanaw na si Ate Guy, mananatiling inspirasyon ang mga tauhang ginanap niya sa maraming pelikula tungkol sa kuwento ng masa. Patuloy itong magsisilbing alaala sa mga alagad ng sining na ang sining nila ay marapat na naglilingkod sa sambayanan," saad ng KPL.