April 21, 2025

Home SHOWBIZ

KILALANIN: Sino si Miss Eco International 2025 Alexie Brooks?

KILALANIN: Sino si Miss Eco International 2025 Alexie Brooks?
Photo Courtesy: Alexie Brooks (IG)

Kinoronahan si Alexie Mae Caimoso Brooks bilang Miss Eco International 2025 sa grand coronation night ng naturang kompetisyon noong Sabado, Abril 19.

Ginanap ang prestihiyosong pagpaparangal sa AlZahraa Ballroom, Hilton Green Plaza sa Alexandria, Egypt.

Si Alexie ang ikatlong Pilipinang naitatalang nakasungkit ng titulong “Miss Eco International.“ Nauna sa kaniya si Kathleen Paton noong 2021 at si Cynthia Thomalla noong 2012.

Pero bago pa man ang tagumpay na ito, sino ba muna si Alexie?

AC Bonifacio, cool na sinagot basher na nagsabing mamatay na siya

Isinilang ang newly-crowned queen noong Pebrero 21, 2001 sa Metro Manila. Ang kaniyang ina ay isang overseas Filipino worker (OFW) sa Lebanon. Pero hindi na niya nakilala pa ang kaniyang ama.

Bagama’t sa siyudad ipinanganak, sa bayan ng Leon, Iloilo lumaki at nagkamalay si Alexie.

Sa isang ulat ng ABS-CBN News noong Enero 2024, ibinahagi ni Alexie ang malaking bahagi ng lola niya sa kaniyang buhay.

“My grandma is my life, she's the drive, Without her, I don't think I would be the same Alexie that I am right now,” saad ni Alexie.

Dagdag pa niya, “Without her, I don't think I have this dream. I don't think I would be able to achieve the achievement that I have right now kasi everything I do right now and everything I have done is also for her.”

Ayon kay Alexie, hindi raw naging madali ang buhay para sa kaniya. Pinagsasabay niya ang pagiging estudyante, atleta, at apo na tumutulong sa lola niyang nagtitinda ng gulay sa palengke.

Bukod sa kakapusan ng pera, naging tampulan din siya ng tukso dahil umano sa pisikal niyang hitsura.

Aniya, “My life isn't easy back in Leon. I often get bullied for being black. I don't have my parents growing up. At times I didn't have lunch going to school. I remember that we don't have money to buy rice.”

Pero sa kabila nito, patuloy pa rin siyang nangarap na maging beauty queen. At nagsimula itong maisakatuparan nang magwagi siyang Miss Iloilo noong Enero 2024. 

Dahil dito, nakasampa siya sa entablado ng Miss Universe Philippines 2024 upang irampa ang taglay na ganda ng mga Ilongga. Bagama’t hindi nakoronahan, nakapasok naman siya sa Top 10 at napili ngang pambato bilang Miss Eco Philippines 2025.

Sa Instagram post ni Alexie noong Linggo, Abril 19, masaya niyang ibinahagi ang kaniyang pagkawagi sa Miss Eco International.

“PILIPINAS, WE MADE ITTTTT! MAHAL NA MAHAL KO KAYONG LAHAT” sabi niya.

Pagbati, Alexie!