April 19, 2025

Home BALITA Probinsya

Pagpapapako ni Ruben Enaje sa krus, matutuldukan na ngayong taon?

Pagpapapako ni Ruben Enaje sa krus, matutuldukan na ngayong taon?
Photo courtesy: Manila Bulletin file photo

Muling nasaksihan ng mga residente at maging ng libong turista ang taunang Senakulo sa bayan ng San Fernando, Pampanga noong Biyernes Santo, Abril 18, 2025. 

Sa ika-36 taon ng kaniyang pagpapapako sa krus at pagganap bilang Hesus, ito na raw ang tila kahuli-hulang Senakulong posibleng itanghal ni Ruben Enaje.

Si Ruben, 64 taong gulang ang kilalang deboto at namamanatang gumaganap bilang Hesus sa Pampanga kung saan aktwal siyang ipinapako sa krus sa ilalim ng tirik na araw. 

Ayon sa ulat ng 24 oras noong Biyernes, inihayag ni Ruben ang nagbabadya niyang pagreretiro sa kaniyang pamamanata. 

Probinsya

DepEd Antique, nagsalita tungkol sa principal na 'tumalak' sa graduation rites

"Mainit po yung kamay ko sa ngayon. Nagbabadya na titigil na ako. Noong mga nakaraang taon, wala akong nararamdaman na init sa mga sugat, baka mawala na itong sakit ng paa at kamay. Sa balikat, nandito pa. Ang pinakamasakit po ay yung nahilo ako doon sa daan,” ani Ruben.

Samantala, sa kabila ng nakaambang pagreretiro ni Ruben sa pagpapapako sa krus, nilinaw naman ng tourism office ng San Fernando, Pampanga na hindi raw matitigil ang taunang senakulong dinarayo sa kanilang lugar. 

"There’s still a lot that we can look forward to in the coming years. And I think it’s about time that we go beyond the idea that faith tourism stops and ends with crucifixion because it’s not," ani Ching Pangilinan-tourism officer.

Sa nakatakdang pagreretiro ni Ruben, papalit umano sa kaniya ang isa pang deboto na si Arnold Maniago na nagpapapako na rin sa krus sa loob ng dalawang dekada.