May 09, 2025

Home BALITA Metro

Humigit-kumulang 500k deboto, dumalo sa prusisyon ng Poong Nazareno ngayong Biyernes Santo

Humigit-kumulang 500k deboto, dumalo sa prusisyon ng Poong Nazareno ngayong Biyernes Santo
Photo Courtesy: Quiapo Church (FB)

Nagbigay ng pahayag ang Kura Parokong si Rev. Fr. Ramon Jade Licuanan kaugnay sa isinagawang prusisyon ng Poong Nazareno ngayong Biyernes Santo.

Sa isang video statement na inilabas ng Quiapo Church nitong Biyernes, Abril 18, sinabi ni Fr. Licuanan na tumagal umano ng mahigit 11 oras ang naturang prusisyon na dinaluhan ng humigit-kumulang 500,000 deboto.

Aniya, “Naisagawa po ng Basilika Menor at Pambansang Dambana ni Jesus Nazareno ang Prusisyon ng Semana Santa 2025 na tumagal ng labing isang oras at dalawamput-anim na minuto. Nagsimula noong alas 11:15 ng Huwebes Santo ng Gabi hanggang 10:45 ng Biyernes Santo ng umaga.”

“Dinaluhan po ito ng mahigit kumulang 532,000 na deboto mula sa ibat- ibang lugar sa Pilipinas. Wala pong naitala na insidente kaugnay ng Peace and Order, Safety, and Security,” dugtong pa ni Fr. Licuanan.

Metro

Health Spa sa QC, pinasabugan ng hinihinalang granada; 2 motorsiklo, tupok!

Ayon sa Kura Paroko, bagama’t wala umanong insidente kaugnay ng Peace and Order, Safety, and Security, may 1,152 medical cases naman daw na naitala.

“9 po rito ang dinala sa ibat-ibang ospital ng DOH sa Maynila. Base po sa ulat, 3 ang nasa malubhang kalagayan,” saad ni Fr. Licuanan.

Gayunman, kasalukuyan na raw tinitipon ng simbahan ang detalye tungkol sa kalagayan ng mga binanggit. Sa huli, nagpaabot sila ng pasasalamat sa mga deboto, volunteers, at iba’t ibang ahensya ng pamahalaan sa pagsisikap na itaguyod ang pagdiriwang ng Semana Santa.