April 19, 2025

Home BALITA Eleksyon

VP Sara, inendorso si Marcoleta; iginiit pagtatanggol sa kaniya noong ‘tinatakot’ OVP

VP Sara, inendorso si Marcoleta; iginiit pagtatanggol sa kaniya noong ‘tinatakot’ OVP
Courtesy: Rep. Rodante Marcoleta/FB screengrab

Sa kaniyang opisyal na pag-endorso kay Sagip Partylist Rep. Rodante Marcoleta, binanggit ni Vice President Sara Duterte ang naging pagtanggol sa kaniya nito noong “pinupuna” at “tinatakot” umano ang Office of the Vice President sa Kongreso.

Sa isang campaign ad na inilabas sa Facebook page ni Marcoleta nitong Miyerkules, Abril 16, binalikan ni Duterte kung paanong si Marcoleta lamang daw ang pumanig sa OVP nang isagawa sa Kongreso ang pagdinig hinggil sa panukalang budget ng opisina.

MAKI-BALITA: Marcoleta, pinagsabihan kapwa kongresista: 'You may not like the person... but respect the OVP!'

“Iisa lang ang Rodante Marcoleta sa Senado, hindi natitinag, hindi natatakot at laging nasa panig ng tama,” ani Duterte.

Eleksyon

Magalong, payag pakalkalin records ng yaman at ari-arian niya sa Baguio

“Noong pinupuna at tinatakot ang tanggapan ng Pangalawang Pangulo siya ang tumindig at dumepensa, hindi alintana ang pambabatikos,” dagdag niya.

Iginiit din ni Duterte na dapat umanong maluklok sa Senado si Marcoleta dahil ito raw ay “may prinsipyo, integridad, [at] paninindigan.”

“Dahil para kay Marcoleta, ang tama ay ipinaglalaban kahit mag-isa ka lamang,” saad ng bise presidente.

Kasama si Marcoleta sa senatorial slate ng partido ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na PDP-Laban.

Inaasahan namang isasagawa ang 2025 midterm elections sa Mayo 12, 2025.