Maalinsangang panahon pa rin ang inaasahang mararanasan sa malaking bahagi ng bansa ngayong Huwebes Santo, Abril 17, dahil sa patuloy na epekto ng easterlies, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Base sa ulat ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, bukod sa maalinsangang panahon ay inaasahang magdadala rin ang easterlies, o ang mainit na hanging nagmumula sa karagatang Pasipiko, ng ilang mga pulo-pulong pag-ulan o thunderstorms sa Metro Manila at mga natitirang bahagi ng bansa.
Posible ang pagbaha o pagguho ng lupa sa naturang mga lugar tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.
Sa kasalukuyan ay wala namang binabantayan ang PAGASA na anumang low pressure area (LPA) o iba pang bagyo sa loob o labas ng Philippine area of responsibility (PAR).