Humarap sa media ang mga naulilang anak ni National Artist for Film and Broadcast Arts at Superstar Nora Aunor na sina Ian, Lotlot, Matet, at Kenneth de Leon, Huwebes Santo, Abril 17, 2025, upang maglabas ng pahayag hinggil sa pagkamatay ng kanilang ina noong gabi ng Miyerkules Santo, Abril 16.
Nagmula ang kumpirmasyon ng pagpanaw ni Ate Guy sa Facebook post ng biological son niyang si Ian, na isa ring aktor, at anak nila ng dating mister na si Christopher De Leon.
KAUGNAY NA BALITA: Nora Aunor, pumanaw na sa edad na 71
Si Ian na rin ang naging spokesperson ng pamilya. Nagpasalamat siya sa lahat ng mga nagmahal, naniwala, at sumuporta sa kanilang inang Superstar.
"Marami siyang natulungan. Marami siyang minahal. Maraming humanga sa kaniya dahil sa kakaiba niyang talento. Marami siyang nabago ang buhay dahil sa kaniyang kabaitan at pagiging totoo, walang kaplastikan, walang kahit anong negative na ipinakita," aniya.
"Basta nagmahal siya nang totoo at iyon ang malakas makahawa kaya marami ring nagmamahal sa kaniya. Hindi po natin maiiwasan ang mga pangyayari sa buhay. May mga plano ang Diyos, may magaganda pa siyang plano na kailangan nating maniwala at manampalataya sa Kaniya."
"Sa aming pamilya, in behalf of my siblings, my family, my children, and my wife, maraming-maraming salamat po sa inyong lahat," aniya pa.
Matapos nito ay binasa na ni Ian ang kumpirmasyon ng pagpanaw ng kanilang ina.
"She passed away peacefully last night, April 16, surrounded by those who love her the most," bahagi ng pahayag.
Naurirat din si Ian kung totoo bang ang dahilan ng pagkamatay ni Ate Guy ay dahil sa operasyon nito. Abril 10 pala ay na-confine sa ospital ang batikang aktres. Martes Santo, Abril 15, sumailalim sa angioplasty ang Superstar, bagay na kinumpirma naman sa Facebook post ng movie director at writer na si Ronaldo Carballo, na shock pa rin sa mga nangyari dahil magkausap pa raw sila sa Facebook Messenger noong Lunes Santo, Abril 14.
Nilinaw ni Ian na hindi namatay ang kanilang ina habang inooperahan.
"She did not. She was being operated on, and after that, she had a hard time breathing, and eventually all things went downhill from there, and that's why they had to do another procedure after that," aniya.
Samantala, batay sa inilabas na viewing at mass details ni Lotlot De Leon, sa Martes sa susunod na linggo pagkatapos ng Holy Week ihahatid sa huling hantungan ang National Artist, na ihihimlay sa Libingan ng mga Bayani sa Taguig.
KAUGNAY NA BALITA: Lotlot De Leon, ibinahagi na ang viewing at mass details sa burol ni Nora Aunor