Nasa 84 tsuper ng public utility vehicle (PUV) kabilang pa ang dalawang konduktor ang nagpositibo sa paggamit ng ilegal na droga matapos sumailalim sa surprise nationwide drug screening kaugnay ng Semana Santa, na isinagawa noong Miyerkules Santo, Abril 16.
Isinagawa ang sorpresang drug test screening ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), ayon sa panayam kay PDEA Director General Isagani Nerez.
Tinawag na "Oplan: Harabas" ang nabanggit na biglaang pagsusuri sa 3,270 na mga indibidwal na namamasada. Alinsunod ito sa "Anti-Drunk and Drugged Driving Act of 2013", o "An Act Penalizing Persons Driving Under the Influence of Alcohol, Dangerous Drugs, and Similar Substances, and for Other Purposes.
Sa breakdown, ang mga nagpositibo sa nabanggit na random checking ay 13 tsuper ng bus, isang nagmamaneho ng mini-bus, 19 jeepney drivers, 47 tricycle drivers, isang taxi driver, dalawang motorcycle taxi riders, at 11 UV van drivers. Dalawa pa sa mga nagpositibo ay konduktor o tagapaningil ng tiket sa mga pasahero.
Ang surprise drug test na ito ay para matiyak ang kaligtasan ng mga biyahero sa buong Semana Santa, lalo na sa pagpasok ng Huwebes Santo hanggang Linggo ng Pagkabuhay.
Kinumpiska ng PDEA ang mga lisensya ng mga tsuper na ito at hindi na pinayagang bumiyahe. Sasailalim din sila sa rehabilitation at intervention programs.