Senakulo, via crusis o daan ng krus, at penitensya, ilan lamang ito sa mga madalas nating makikita na isinasagawa tuwing Mahal na Araw partikular na sa Biyernes Santo.
Ang salitang penitensya, na nangangahulugan ng pagsisisi, ang matinding pagnanais na mapatawad. Ito ay nakaugalian na ng ilang deboto. Kaugnay dito ang pagsasagawa ng mga ilan sa naging karanasan ni Kristo tulad na lamang ng pagpapahagupit sa mga kawal at pagpapako sa krus.
Taliwas sa paniniwala ng mga nagsasagawa nito, iginigiit ng Simbahang Katolika na hindi nila hinihikayat ang ganitong uri ng kasanayan.
Ayon sa Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) noong 2023, maling kaugalian ng mga deboto ang pagpapalatigo at pagpapako sa krus sa Biyernes Santo.
Sa usaping agham, pinag-iingat din ng Department of Health (DOH) ang mga deboto hinggil sa mga naturang kaugalian.
Ang mga sugat na natatamo nila sa kanilang pagpapahagupit at pagpapako sa krus ay prone sa tetanus o impeksyon. Bukod sa sugat, maaari ring magkabalian ng buto o makakuha ng pasa.
Itinuturing naman ng mga deboto na ang mga gawaing ito upang humingi ng kapatawaran sa mga kasalanan, upang tuparin ang isang "panata" o upang magpahayag ng pasasalamat sa mga pabor na ipinagkaloob.
Ang ilan ay ipagpapatuloy pa rin ang ganitong uri ng gawi bilang bahagi na rin ng kultura.
Sa panayam ng Unang Hirit kamakailan—isang programa sa GMA Network, kay DOH spokesperson Assistant Secretary Albert Domingo, binigyang-diin niya ang una na raw na mensahe ng Simbahang Katolika.
“Alinsunod na rin sa mga kaparian, hindi naman kinakailangan na sugatan o saktan ang ating katawan,” ani Domingo.
Giit pa niya, may banta rin umano sa kalusugan ang pagpepenitensya dahil sa mga mikrobyo.
“Tandaan po natin na ang mga sugat sa katawan ng penitensya ay mga tinatawag na ‘dirty wound.’ ‘Yung alikabok ng lupa, do’n sa mga lumilipad na alikabok sa paligid, saka ‘yong mga ginagamit nating instrumento, puwedeng panggalingan ng mikrobyo,” anang DOH spokesperson.