Ngayong Semana Santa, ibinahagi ng 60-anyos na dating guro mula sa Calapan City, Oriental Mindoro kung paano niya kinapitan ang kaniyang pananampalataya sa Panginoon sa pakikipaglaban sa sakit na labis na sumubok sa kaniyang buhay.
Sa eksklusibong panayam ng Balita, ikinuwento ng gurong si Robert Ilagan, 60, mula sa Calapan City, Oriental Mindoro ang madilim na pangyayari sa kaniyang buhay noong nakaraang taon kung saan na-diagnose siya ng Chronic hepatitis B dakong buwan ng Marso.
“Since late February 2024, nakakaramdam na ako ng pananakit ng sikmura sa upper right abdomen, below the rib cage,” aniya.
Noong 2014 nang una raw magkaproblema si Ilagan sa atay nang ma-ospital siya habang nagtatrabaho sa Japan bilang isang guro. Anim na buwan siyang naggamot nang mga panahong iyon hanggang sa gumaling. Taong 2022 naman nang umuwi si Ilagan sa Pilipinas at nagdesisyon nang manirahan dito.
Akala ni Ilagan nang mga panahon iyon ay magtutuloy-tuloy na ang maganda niyang kalusugan, ngunit noong Pebrero 2024, muling nagpakita ang sintomas ng kaniyang kinatatakutan.
“Wala na akong ganang kumain dahil laging sinisikmura at parang kahit tubig ay nahihirapan kong inumin. Nagpakonsulta na ako sa doktor. Dumaan ako sa mga blood tests including yung HBV-DNA, also known as a hepatitis B viral load test [that] measures the amount of hepatitis B virus DNA in a person's blood,” kuwento ni Ilagan.
“Pagdating ng result, milyon-milyong virus. Meron akong 98M sa aking dugo,” dagdag niya.
Doon na raw siya ilang araw na na-confine sa ospital at muling naggamot. Makalipas ang tatlong linggo, bumaba sa wakas ang virus sa kaniyang katawan at pakiramdam niya ay gumagaling na siya. Ngunit, sa gitna nito ay bigla na naman daw siyang nakaramdam ng pananakit sa tiyan.
“Parang bloating. Naramdaman ko na ito once sa Japan at nawala din agad-agad so I thought baka nga bloating lang dahil sa maling nakain or something. After a week, sumakit ulit na umaabot na ang pain sa likod,” paglalahad ni Ilagan.
“The doctor decided na magpa-MRI ako. Gusto ko rin dahil natatakot na ako… Basically meron akong gallstones na na-discover in 2004 bago pa ako mag-abroad pero ang sabi ng mga doktor, hangga't walang extreme pain, huwag magpapa-opera. Sinunod ko dahil wala ngang pain, ever,” dagdag niya.
Ngunit dahil sa naramdamang sakit, sumailalim na siya sa laparoscopic cholecystectomy, isang minimally invasive surgical procedure na ginagamit upang alisin ang gallbladder.
Bukod sa sakit ng kalusugan, kasama rin sa mga ininda ni Ilagan ang laki ng gastos, hanggang sa naubos na raw niya ang kaniyang ipon sa pagtatrabaho sa ibang bansa at naibenta ang ilang sa kaniyang mga ari-arian.
Sa kabila nito, hindi nagpatinag si Ilagan at walang patid na kinapitan ang kaniyang pananampalataya sa Diyos.
“My faith in God hasn't diminished. I kept praying before and I still pray every time,” saad ng guro.
Bagama’t naggagamot pa rin hanggang ngayon si Ilagan sa sakit na Hepatitis B, malaki na raw ang ibinuti ng kaniyang kalagayan—at para sa kaniya, himala ito mula sa Diyos.
“With what I had been through, binibigyan pa rin ako ng Diyos ng another chance na mabuhay pa at maipagpatuloy ang mga gusto ko pang gawin. He continues to give me opportunities para kumita at maitawid ang medical expenses,” saad ni Ilagan.
“He continues to give me strength para patuloy na makapagsabayan sa younger generation sa mundo ng vlogging, He continues to provide love and care sa akin thru my family na laging nandiyan para sa akin."
Sa ngayon ay full-time vlogger si Ilagan, na mas nakilala na sa social media sa pangalang "Robatology."
“My illness remains pero ang pinakaimportante, patuloy pa akong nabubuhay dahil sa Kaniyang kapangyarihan at siguro, may purpose pa akong dapat ituloy sa pangalawang buhay na ito na ibinibigay Niya,” pagbabahagi ni Ilagan.
Sa lahat ng kaniyang pinagdaanan, mensahe rin niya sa publiko ngayong Semana Santa: “Let's continue to trust our Lord Jesus Christ and pray to him to fill our hearts with compassion and understanding.”