Nagpaalala ang Department of Health (DOH) sa publiko kaugnay ng paggunita ng Semana Santa ngayong 2025.
Sa panayam ng Unang Hirit—isang programa sa GMA Network, kay DOH spokesperson Assistant Secretary Albert Domingo, binigyang-diin niya ang una na raw na mensahe ng Simbahang Katolika.
“Alinsunod na rin sa mga kaparian, hindi naman kinakailangan na sugatan o saktan ang ating katawan,” ani Domingo.
Giit pa niya, may banta rin umano sa kalusugan ang pagpepenitensya dahil sa mga mikrobyo.
“Tandaan po natin na ang mga sugat sa katawan ng penitensya ay mga tinatawag na ‘dirty wound.’ ‘Yung alikabok ng lupa, do’n sa mga lumilipad na alikabok sa paligid, saka ‘yung mga ginagamit nating instrumento, pwedeng panggalingan ng mikrobyo,” anang DOH spokesperson.
Matatandaang parte na ng kulturang Pilipino ang pagpepenitensya sa tuwing sasapit ng Mahal na Araw, partikular na sa Huwebes Santo at Biyernes Santo.