Nilinaw ni National Bureau of Investigation (NBI) Deputy Director Ferdinand Lavin na hindi umano kailangang mamagitan ng International Criminal Police Organization (Interpol) sa kasong isinampa kina dating presidential spokesperson Harry Roque at vlogger Claire “Maharlika” Contreras.
Sa panayam ng TeleRadyo kay Lavin nitong Miyerkules, Abril 16, 2025, na domestic pa lamang daw ang kaso nila laban kina Roque at Maharlika at sapat umano ang kanilang mga ebidensya, bagama’t pareho silang nasa labas ng bansa.
Nang tanungin si Lavin kung hindi raw ba magkakaroon ng involvement ang Interpol, sagot niya, “Sa ngayon Yes. This is the findings of NBI na mayroon kaming matibay na ebidensya na violations nila sa domestic laws.”
Matatandaang kamakailan lang nang tuluyang sampahan ng NBI sina Roque ng reklamong sedisyon bunsod umano ng kaugnayan nila sa pagkalat sa social media ng kontrobersyal na “polvoron video” ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.
“Napakalawak ng broadcast or reach nito even sa Facebook, different platforms. So this has very wide implications especially ang cybercrime. It's a borderless crime,” saad ni Lavin.