April 16, 2025

Home FEATURES Mga Pagdiriwang

Ginang namamanata sa Linggo ng Pagkabuhay matapos 'mabuhay' ang anak

Ginang namamanata sa Linggo ng Pagkabuhay matapos 'mabuhay' ang anak
Photo courtesy: Freepik/Pixabay

Sa bawat tunog ng kampana sa umaga ng Linggo ng Pagkabuhay, sumasabay ang pintig ng puso ng isang ina—hudyat na muling nabuhay si Hesukristo at isa na namang pagkakataon para sariwain ang pananampalataya ni Maria Lourdes Reyes, 43 taong gulang, isang single mother mula sa Candon, Ilocos Sur.

Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Lourdes, hindi kailanman nawala sa buhay ng kanilang pamilya ang pagsisimba tuwing Easter Sunday o Linggo ng Pagkabuhay ni Hesukristo.

"Isa itong panatang ipinasa ng aking lola, sa aking ina, at ngayo’y isinasabuhay ko rin," aniya.

At mas espesyal pa ito nang makaranas daw siya ng himala dahil sa kaniyang pagiging sagrado-Katoliko, lalo na nang magkasakit ang kaniyang anak na nasa bingit na ng kamatayan.

Mga Pagdiriwang

‘Pananampalataya sa Diyos,’ sandata ng 60-anyos na dating guro sa pakikipaglaban sa sakit

"Hindi ito basta tradisyon lang para sa akin. Ito ay isang panata—isang sinumpaang pangako ng pasasalamat at panibagong panimula." aniya.

"Bata pa lamang ako nang ipaliwanag sa akin ng aking lola na ang Linggo ng Pagkabuhay ang pinakaespesyal sa lahat ng araw dahil dito nagsimula ang bagong pag-asa. Sa kabila ng mga pagdurusa, may liwanag na darating—gaya ng pagkabuhay ni Kristo mula sa kamatayan. Bukod dito, matapos kong magdasal at i-alay sa Kaniya ang kalagayan ng anak ko, hayun at muli siyang binigyan ng buhay, ng second chance."

"Naranasan ko ito nang personal noong taong 2016. Isa sa pinakamabigat na taon sa buhay ko—na-diagnose ang aking anak na lalaki ng malubhang karamdaman. Cancer of the blood. Wala akong ibang kinapitan kundi ang pananampalataya."

Hindi raw akalain ni Lourdes na mabubuhay pa ang anak niya. Ngunit naniwala lamang siya sa Diyos at ipinagkatiwala ang buhay ng anak sa Kaniya.

"Noong panahong iyon, mas naging makabuluhan ang aking panata ng Easter Sunday. Dumalo ako sa misa na iyon na may luha sa mata, pero may pananalig sa puso. Nagdasal ako hindi lamang ng kagalingan kundi ng lakas ng loob para harapin ang bawat araw."

"Pagkalipas ng ilang buwan, gumaling ang aking anak. Hindi ko ito itinuring na milagro lang, kundi patunay ng kapangyarihan ng panalangin at paniniwala. Mula noon, naging mas matatag ang aking panata. Hindi lang ako dumadalo sa misa tuwing Easter Sunday—naglilingkod na rin ako bilang tagapanguna ng lektura sa aming parokya," salaysay pa niya.

Sa tuwing naririnig daw niya ang pahayag na "Siya ay nabuhay muli," pakiramdam daw niya ay tila tumitigil ang mundo at napapalitan ng katahimikan at pag-asa.

"Para sa akin, ang Araw ng Muling Pagkabuhay ay hindi lamang pagdiriwang ng isang pangyayari sa kasaysayan—ito ay paalala ng walang hanggang pag-ibig at pag-asa," aniya pa.

Dagdag pa niya, "Marami man sa atin ang nagkakaniya-kanyang interpretasyon ng pananampalataya, naniniwala akong may malalim na epekto ang tuwing ipinagdiriwang natin ang pagkabuhay ni Kristo. Sa bawat pagsisimba, lalo na tuwing Easter Sunday, nabubuhay muli hindi lamang ang ating paniniwala, kundi ang ating pag-asa, katatagan, at pagmamahal sa Diyos at kapwa."

Pagbabahagi pa niya, "Ngayong taon, muli akong dadalo. Kasama na ang aking anak na minsang naging dahilan ng aking luha at panalangin. At habang hawak ko ang kaniyang kamay, ipagpapatuloy ko ang panata—isang pangakong hindi lamang tradisyon, kundi buhay na buhay na pananampalataya."