Tila pinatunayan ng negosyante at chef na si Ed Dela Cruz na posibleng magbago ang isang taong binigyan ng pangalawang pagkakataon.
Sa latest episode ng vlog ni Kapamilya broadcast-journalist Bernadette Sembrano kamakailan, ibinahagi niya ang kuwento ng kaniyang buhay bago nakarating sa tagumpay.
“40 years old ako [nang pumasok] sa Bilibid. 14 years [akong nakulong] pati ‘yong GCTA [Good Conduct Time Allowance] ko,” saad ni Ed.
Dagdag pa niya, “Pero itong kaso na ito, hindi ko ginawa talaga ma’am. Talagang finrame-up ako dahil marami akong kaso kasi noon. Mayro’n kami kasing gang-war-gang-war dito noon.”
Ayon kay Ed, halos kapapanganak pa lang umano ng misis niya sa panganay nila nang arestuhin siya ng kapulisan.
“Doon nila ako hinuli sa ospital. Kapapanganak lang,” aniya.
Bagama’t ayaw na raw balikan pa ni Ed ang madilim na yugtong iyon ng kaniyang buhay, ipinagpapasalamat pa rin daw niyang nakapasok siya sa kulungan.
“Kaya pala dinala ako sa kulungan para untouchable ako dahil no’n maraming suma-salvage dito. Kung hindi ako nilagay ng Panginoon sa loob, talagang isa ako sa na-salvage siguro. Lagi akong nasa lansangan o sa inuman,” sabi ni Ed.
At ngayon nga ay si Ed ang nangangasiwa ng Mang Ed Bakareta, patok na kainan sa Baguio na kung hindi umano mabibisita ay tila kulang ang City of Pines experience.