Ngayong Semana Santa, ating damhin ang mga kantang mas magpapalapit sa atin sa walang hanggang pagmamahal ni Hesukristo.
Narito ang ilang mga makabagbag-damdaming awiting simbahan na magandang pakinggan sa ating pagninilay-nilay sa mahalagang pagdiriwang na ito.
Ama Namin
Ito ang panalanging itinuro ni Hesus sa kaniyang mga apostol—ang dasal na itinuro Niya sa atin. Isa itong awitin ng pagsamba sa Panginoon at pagbibigay ng papuri sa Kaniya; isang awitin ng paghingi ng patnubay sa Kaniya sa gitna ng bawat pagsubok na dala ng mundong ito; at isa ring awitin ng paghingi ng tawad sa ating mga kasalanan. Sa kabuuan, ipinararamdam ng awiting ito na sa gitna ng mga kamalian at kahinaan, meron at meron tayong Diyos na makakapitan.
Ang Panginoon ang Aking Pastol
Mararamdaman sa awiting ito na gaano man kahirap at puno ng balakid ang buhay, hindi tayo pababayaan ng Diyos—Siya ang tunay na pahinga sa gitna ng pagdurusa. Tulad sa pamagat at liriko ng kanta, ang Panginoon ang ating pastol. Sa piling Niya, hindi tayo maliligaw. Sa lahat ng pighati at pangamba, si Hesus ang ating pahinga. Tulad ng nakasaad sa kanta: “Ang Panginoon ang aking pastol pinagiginhawa akong lubos…”
Kordero ng Diyos
Mararamdaman sa awiting ito ang pagpapakasakit ni Hesukristo para sa ating mga kasalanan, kung paanong nagpapako siya sa Krus upang tubusin ang kasalanan ng sanlibutan. Maririnig sa awitin: “Kordero ng Diyos na nag-aalis ng mga kasalanan ng mundo. Maawa Ka sa amin. Kordero ng Diyos, maawa Ka…” Isang uri rin ng panalangin ang mga kataga kung paano tayo iniligtas ni Hesus—kung paano tayo nilinis ng Kaniyang walang hanggang pagmamahal.
Unang Alay
Ipinararamdam ng awiting ito ang ating taos-pusong pananalangin sa Panginoon. Sa kabila ng lahat ng ating mga kasalanan—na minsa’y pakiramdam natin ay “damaged” na tayo dahil sa lahat ng sakit na ipinararamdam ng mundong ito—ibinibigay natin ang lahat ng makakaya nating ialay para sa Kaniya. Nakasaad sa awitin: “Kunin at tanggapin ang alay na ito, mga biyayang nagmula sa pagpapala Mo. Tanda ng bawat pusong 'pagkat inibig Mo. Ngayo'y nananalig, nagmamahal sa’Yo…”
Huwag Kang Mangamba
Napakasarap pakinggan ng awiting ito na nagpapahayag ng wagas na pag-ibig sa atin ni Hesus. Habang pinakikinggan ang bawat liriko, tila si Hesus ang nagsasabi sa atin ng mga katagang: “Huwag kang mangamba. Sasamahan kita saan man magpunta. Ika'y mahalaga sa'king mga mata. Minamahal kita.” Totoo nga, tila nawawala ang lahat ng pangamba tuwing mararamdaman natin ang pag-ibig ng Diyos na hindi tayo iiwan—ang Diyos na tunay na nagmamahal sa atin.
Awit ng Paghahangad
Malalasap sa awiting ito ang pananampalataya sa Diyos, na ipinahahatid ang katotohanang walang ibang mas makabuluhang dapat hanapin sa buhay kung hindi ang Kaniyang presensya. Inilalabas ng awitin ang bahagi ng ating sarili na nagnanais maramdaman ang wagas na pag-ibig ni Hesus. At sa pagtawag sa Kaniya, sa pagsambit ng unang kataga sa awitin: “Oh D’yos, Ikaw ang laging hanap…,” mararamdaman natin ang Kaniyang presensya at pagmamahal—at wala nang ibang mas mahalaga mula rito.
Pagkakaibigan
Tulad ng ibang mga awiting simbahan, ang sarap marinig sa kantang ito ang “assurance” na mahal tayo ng Diyos, na si Hesus ang pinakamasasandalang kaibigan na hindi tayo iiwan kahit anuman ang mangyari sa ating buhay—at kung sinuman tayo. Si Hesus ang kaibigang mahal tayo. Kahit sa mga araw na pinipili natin Siyang hindi mahalin, nananatili Siyang naghihintay para sa ating pagbabalik. Isa sa mga bahagi ng awiting nakakalambot ng puso: “Mula ngayon, kayo'y Aking kaibigan. Hinango sa dilim at kababaan. Ang kaibiga'y mag-aalay ng sarili n'yang buhay. Walang hihigit sa yaring pag-aalay…”
Ang Tanging Alay Ko
Ipinaaalala ng awiting ito ang walang hanggang pasasalamat natin sa pagmamahal ni Hesukristo at ang paghahangad nating masuklian ito. Ngunit ang totoo, hindi natin kayang matumbasan ang klase ng pagmamahal na ibinigay ni Hesus. Tama ang nakasaad sa awitin: “Ang tanging alay ko sa'Yo, aking Ama, ang buong buhay ko, puso’t kaluluwa. Hindi na makayanang maipagkaloob mamahaling hiyas, ni gintong nilukob…” Wala tayong ibang kayang maibigay sa Diyos kundi ang ating sarili—at alam nating iyon din ang mahalaga sa Kaniya. Dahil tayo’y mahalaga sa Kaniya.
Paghahandog ng Sarili
Kagaya ng awiting Ang Tanging Alay Ko, napakaganda ng awiting ito na nagpaalala kung paanong walang ibang pinakamahalagang bagay kundi ang pag-aalay ng ating sarili sa Panginoon. Minsan lang ang buhay—at hiram lamang ito—kaya’t hangarin nating mabuhay nang naaayon sa kalooban ng Diyos. Isa sa mga bahagi ng awitin masarap pakinggan at sambitin: “Kunin Mo, oh Diyos, at tanggapin Mo. Ang aking kalayaan, ang aking kalooban. Isip at gunita ko, lahat ng hawak ko, ng loob ko ay aking alay sa 'Yo…”
Pananagutan
Ipinararamdam ng awiting ito na bilang mga anak ng Diyos, may pananagutan tayo sa ating sa isa’t isa. Lahat tayo ay mahal ng Panginoon kaya’t magiging maligaya Siya kung magmamahalan tayong mga anak Niya. Nakasaad sa awitin: “Walang sinuman ang nabubuhay para sa sarili lamang. Walang sinuman ang namamatay para sa sarili lamang. Tayong lahat ay may pananagutan sa isa't isa. Tayong lahat ay tinipon ng Diyos, na kapiling Niya…” Kaya’t kung mahal natin si Hesus, matuto nawa tayong mahalin ang ating kapwa, tulad ng kalooban Niya.