‘Isang sulyap sa pananampalataya at sining sa bagong henerasyon’
Sa gitna ng mabilis na takbo ng makabagong panahon, kung saan ang social media at teknolohiya ang madalas na bumabalot sa atensyon ng kabataan, kapansin-pansing na may iilan pa ring pinipiling magnilay at lumalim ang pananampalataya—sa kanilang sariling paraan.
Isa na rito ang Gen Z na si Miguel Gian Agas, nakatira sa Quezon City, na mas piniling hindi lang makiisa, kundi maging aktibong kalahok sa isang matagal nang tradisyon: ang Senakulo tuwing Semana Santa.
Sa eksklusibong panayam ng Balita, ibinahagi ni Miguel na hindi lang kumukupas na passion sa paglilingkod sa simbahan ang dahilan kung bakit niya ito ginagawa, kundi pati na rin ang “pagmamahal niya sa pag-arte.”
Ngunit higit pa sa simpleng pagganap sa entablado ang kaniyang layunin. Sa kaniyang pagbabalik-tanaw, isang malalim na personal na karanasan ang nagtulak sa kaniya na magpatuloy sa tradisyong ito.
“Sa unang taon ko bilang si Juan, dama ko ang kalungkutan, awa, at galit na nararamdaman ng manonood. Ito ang naging daan para tanggapin ko ang hamon na gumanap bilang Hesus ngayong taon,” anang binata.
Sey pa niya, ngayon ay mas naunawaan niya ang ilang bahagi ng istorya ni Hesus. Isa sa mga pinakatumatak sa kaniya ay ang dasal ni Hesus sa Halamanan ng Gethsemane.
“Katulad ng isang tao, si Hesus din ay nakaramdam ng takot, pangamba at pagiging emosyonal sa kaniyang sasapitin. Hinangaan ko ang pagtanggap ni Hesus sa kaniyang kapalaran at pag-aalay ng sarili para sa ikabubuti ng nakararami,” paliwanag ni Miguel.
Dagdag pa niya, wala umanong kapantay ang nararamdaman niyang saya sa tuwing nakikita niyang naaantig ang pananampalataya ng mga nanonood.
“Nakakataba po ng puso. Hindi lang ito pag-arte para po sa akin—ito ay pagbibigay-buhay sa pananampalataya. Para pong may naiwang tanong sa isipan ng mga tao: Paano ko rin maisasabuhay si Hesus sa sarili kong buhay?’”
Para sa kabataang nag-iisip kung sasali sa ganitong tradisyon, isa lang ang kaniyang paalala: “Maging pundasyon tayo ng pag-asa ni Hesus sa mundo. Hindi po madali, pero ito ay isang hakbang ng paglago—bilang artista, bilang tao, at bilang Kristiyano.”