Ngayong Semana Santa, ating pagnilayan kung gaano makapangyarihan ang wagas na pagmamahal—na tulad na alay ni Hesukristo para sa atin—at kung paanong walang pagdurusa ang hindi nito kayang sakupin, base sa homiliya ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula.
Sa kaniyang homiliya sa isang misa para sa Linggo ng Palaspas sa Manila Cathedral nitong Abril 13, ipinaalala ni Advincula kung gaano ipinako sa Kris si Hesus alang-alang sa pagmamahal niya sa atin.
Ani Advincula:
“Si Jesus ang ating Mesiyas at Hari. Hindi Siya nakasakay sa kabayong pandigma, kundi sa isang hamak na asno.
Hindi Siya nakaluklok sa mataas na trono, kundi nakapako sa krus.
Hindi koronang ginto ang nakaputong sa Kaniyang ulo, kundi koronang tinik na nanunuot sa Kaniyang sentido.
Hindi kapalaluan at kapangyarihan ang Kaniyang ipinakita, kundi pagtanggap sa hirap at pagpapakita ng habag.
Tinuturuan tayo ng ating Panginoong Hesus na ating huwaran sa pagdanas at pagpapabanal ng ating mga sakit at dusa.”
Mas nanaig ang pagmamahal ni Hesus kaysa sa dinanas niya sa krus.
Kaya’t bilang pagpapasalamat at pagmamahal sa Panginoon at sa lahat ng kaniyang ginawa para sa atin, paano nga ba natin matutularan si Hesukristo?
Anang arsobispo, dalawang bagay: Yakapin natin ang krus at ialay ito sa Diyos at sa iba.
Kung sasabihing “krus,” ito ang hirap at pighating ating nararanasan dala ng bawat pagsubok ng buhay.
Yakapin natin ang sarili nating krus.
Ibinahagi ni Advincula sa kaniyang homiliya kung paano dumaan si Hesus sa pagpapasakit. Sa gitna nito, hindi niya itinanggi o itinago ang hapdi at pighating Kaniyang naranasan.
“Hindi Siya nagkunwaring ayos lang Siya. Hindi Niya binura ang kirot ng krus sa Kaniyang diwa. Niyakap Niya ang krus. Pinasan ang krus. Ipinako Siya sa krus at namatay sa krus,” ani Advincula. “Sa Kaniyang buong pagkatao, dama Niya ang Kaniyang sakit. Dama rin Niya ang ating sakit.
Kaya naman, tulad ng sabi ng arsobispo, kagaya ni Kristo ay matuto nawa tayong yakapin ang ating sariling krus: Damhin natin ang hirap at sakit.
Mensahe ni Advincula:
“Sa ating kahinaan bilang tao, likas na gusto nating itanggi ang ating sakit. Kapag nasasaktan tayo, nais ng isip nating takasan ang hirap lalo na kung hindi na natin kayang unawain ang bigat nito. Ngunit sa huli, kailangan nating magkaroon ng tapang upang harapin ang ating mga suliranin, danasin ang ating mga hirap at yakapin ang ating krus.”
“Kailangang magpasya tayong damhin ang sakit at makiramay sa sakit ng iba. Kapag ang sugat ay tinatago at tinatanggi, hindi ito gagaling. Lalala ito.”
“Kung papansin natin ang sakit. Kung titingnan at pakikinggan natin ito, magugulat tayo sa mga aral na maaari nating matutunan. Tayo ay magiging mas mabuting tao.”
“Ang sakit ay parang megaphone o loudspeaker ng Diyos. Upang maghilom ang sakit, kailangang damhin natin ang sakit at harapin ang pait.”
Ikalawa, ialay natin ang ating krus.
Binanggit din ni Advincula sa kaniyang homiliya na pinabanal ni Hesukristo ang kaniyang pagpapakasakit sa pamamagitan ng pag-aalay ng kaniyang krus sa Kaniyang ama sa langit at tumanggap ng tulong sa iba.
Nang araw na siya’y ipako para sa ating mga kasalanan ay hindi sinarili ni Hesus ang kaniyang nararamdamang bigat ng krus at tinanggap ang tulong ni Simon sa pagpasan nito.
Dagdag ni Advincula, tapat ding ibinulalas ni Kristo sa Kaniyang ama sa langit ang pait at pag-aalinlangan sa Kaniyang puso nang siya'y sumigaw, “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo Ako pinabayaan?”
“Hindi Niya sinarili ang Kaniyang pagdurusa. Ibinukas at ibinahagi Niya ang pagpapakasakit sa Diyos at sa kapwa,” anang arsobispo.
Mula rito, sinabi ni Advincula na “kapag inialay sa Diyos ang hirap at sakit, ito ay nagiging malasakit. Dahil dito, nagbunga ang pagpapakasakit ng pagmamalasakit.”
Mahalagang ialay natin sa Diyos ang lahat ng nararanasan nating bigat at sakit upang gumaan ang ating nararamdaman.
Mensahe ni Advincula:
“Minsan ang ating mga sakit ay hindi na mapaliwanag, hindi masukat, hindi maunawaan. Maging si Hesus ay nauwi sa katahimikan sa gitna ng kadiliman ng krus. Ang huli Niyang tinig ay isang malakas na sigaw.
“Ngunit kahit na tila wala nang kabuluhan o kahulugan ang sakit, walang hirap na hindi kayang abutin ng pag-ibig. Walang pasakit na higit sa malasakit.
“Walang pagdurusa na hindi kayang sakupin ng pagmamahal ng paghahandog ng sarili sa Diyos at sa kapwa. While pain seems to be beyond meaning and understanding, no pain is ever beyond love…”
“Sa ating katawan bilang tao, likas na gusto nating sarilinin ang sakit upang sa bandang huli, masabi nating, ako ang gumawa nito ng mag-isa. Nasabi nating ako ang gumawa nito nang mag-isa sa sarili kong lakas at talino. Ngunit ang ilusyon na ito ay nauwi lamang sa pusong mapait, bulok at iniwan. Ang mga puso natin ay mauwi sa pagkasawi kung sa sarili ni natin ang sakit. Lalasunin lang tayo ng ating yabang. Isuko at ialay nawa natin sa Diyos ang paghihirap. Ibukas natin ito sa Diyos at sa ating kapwa.”
Sa huling bahagi ng kaniyang homiliya, muling pinaalala ng arsobispo kung gaano kahalaga ang pagyakap sa ating sariling krus at pag-alay nito sa iba, hindi lamang ngayong Semana Santa kundi sa pang-araw-araw nating buhay.
Matutong tularan si Hesus at isapuso ang napatunayan sa Kaniyang pagpapakasakit para sa sanlibutan: “Walang pagdurusa ang ‘di kayang sakupin ng pagmamahal.”
Dagdag ni Advincula: “Si Hesus ang ating hari at Mesiyas. Siya ang ating huwaran ng pagpapakasakit at malasakit. Sa kaniyang patnubay at biyaya, matuto nawa tayong yakapin ang ating krus at ialay ang ating pagdusa at sakit sa Diyos.
“Magbubunga ito ng mas malawig na pag-asa, mas malalim na pananampalataya at mas marugdog na pag-ibig. Amen.”