Isa sa pinakamatitinding tagpo sa Ebanghelyo ay ang pagtatatwa ni San Pedro kay Hesukristo.
Sa kabila ng kaniyang pagiging malapit na alagad, tatlong ulit niyang itinangging kilala niya si Hesukristo sa oras ng paghihirap ng Panginoon.
Isang tila nakakagulat na eksena, lalo na’t si Pedro ay itinuturing na matatag at matapang. Ngunit sa harap ng takot at panganib, pinili niyang itanggi ang kaniyang ugnayan kay Kristo.
Tanong ngayon: naitatwa mo na rin ba si Hesukristo sa buhay mo?
Iyan ang tanong ni Rev. Father Jowel Jomarsus P. Gatus sa isa sa mga isinagawa niyang homiliya para sa Semana Santa, kura paroko ng Our Lady of the Holy Rosary Parish sa Santo Rosario Pau, Santo Tomas, Pampanga.
Saad niya, baka hindi natin ito ginagawa sa pamamagitan ng mga salita, tulad ni Pedro. Pero sa ating mga desisyon, kilos, at pananahimik sa harap ng mali—maaaring naitatatwa rin natin Siya. Kapag pinipili nating isantabi ang tama upang makiayon sa mundo, kapag mas pinipili nating tumahimik kaysa ipaglaban ang katotohanan, kapag hinahayaan nating manaig ang galit, inggit, o kayabangan sa ating puso—unti-unti nating nilalayo ang ating sarili sa liwanag ng Diyos.
Si Pedro daw ay hindi perpekto, gaya natin. Ngunit ang kagandahan ng kaniyang kwento ay ang pagbabalik-loob. Siya ay umiyak nang mapait matapos ang kaniyang pagtatatwa—isang simbolo ng tunay na pagsisisi.
At matapos ang muling pagkabuhay ni Hesukristo, siya rin ang tinanong Niya ng tatlong beses: “Mahal mo ba Ako?” Sa bawat sagot ni Pedro ng “Oo,” unti-unti siyang ibinalik sa misyon niyang maging pastol ng mga mananampalataya.
Ang kuwento ni San Pedro ay kuwento raw nating lahat—ng kahinaan, ng takot, ng pagkakamali. Ngunit ito rin ay kuwento ng pag-asa. Sa bawat pagkadapa, may pagkakataong bumangon. Sa bawat pagtatwa, may paanyaya ng pagbabalik.
Sa panahong ito, lalo na sa gitna ng mga pagsubok at tukso, paalalahanan daw natin ang ating mga sarili sa tanong na ito: Paano ko maipapakita na hindi ko itinatatwa si Hesukristo? Sa simpleng paraan—sa pananalangin, sa paggawa ng tama, sa pagtindig para sa katotohanan, at sa pagmamahal sa kapwa—maari tayong maging tapat na tagasunod, gaya ni San Pedro na muling tumindig at naglingkod hanggang sa huli.