Nagbaba ng show cause order ang Comission on Elections (Comelec) laban sa Pasay City Mayoral candidate na si Coun. Editha "Wowee" Manguera dahil sa kaniyang "bumbay" remarks sa foreign students sa Pasay City General Hospital.
Sa isang show cause order na inilabas nitong Martes, Abril 15, binanggit ng Komisyon ang mga sinambit umano ni Manguera sa isang campaign activity.
"Tanggalin na natin ang bumbay para wala nang amoy sibuyas na naiiwan sa Pasay Gen."
"From the context, we believe that you were referring to foreign students studying and interning at the Pasay City General Hospital," saad ng Comelec sa naturang show cause order.
Sa pananaw ng Comelec, posibleng nilabag ni Manguera ang Comelec Resolution No. 11116 o ang ANTI-DISCRIMINATION AND FAIR CAMPAIGNING GUIDELINES. Kung saan pumapailalim dito ang patungkol sa "racial discrimination."
Dahil dito, pinagpapaliwanag ng Comelec si Manguera sa loob ng tatlong araw kung bakit hindi dapat siya sampahan ng reklamo ng election offense o petisyon para sa diskwalipikasyon.