Pasabog ang campaign video nina Vice President Sara Duterte at Sen. Imee Marcos kung saan opisyal at pormal nang inendorso ng Pangalawang Pangulo ang re-electionist, na kapatid ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr.
Makikitang parehong nakasuot ng kulay-itim ang dalawa, at mula sa akronim na "ITIM," ay kumpirmadong sinabi ni VP Sara na "Inday Trusts Imee Marcos."
Bukod dito, ang pakahulugan pa ng "ITIM" ay "Ipaglalaban Tayo ni Imee Marcos" at "Ilaban ang Tama, Itama ang Mali."
Sa panimula naman ng 30 second-video, inilarawan ni VP Sara na itim o black ang kulay ng bansa.
"Itim ngayon ang kulay ng bansa. sa gutom at krimen nagluluksa," aniya.
Linya naman ni Sen. Imee, "Gutom na ang sikmura, gutom pa sa hustisya. Ginigipit ang hindi ka-alyansa."
"Marami ang nagsasalita," singit ni Duterte.
"Pero sino lang ba ay may ginawa? Sino ang may ginagawa?" ani Marcos.
"Itim ang kulay ng pakikiramay [VP Sara]. Itim ang kulay ng pakikiisa [Sen. Imee]," saad pa rito.
"Iboto si Senator Imee," saad ni VP Sara sa huling bahagi ng video.
Matatandaang pinag-usapan kamakailan ang larawang ibinahagi ng kontrobersiyal na direktor na si Darryl Yap kung saan makikitang magkasama sina Sen. Imee at VP Sara.
Suspetsa ng ilan, ieendorso ng bise-presidente ang senadora lalo na’t kumalas na ang huli sa senatorial slate ng kapatid nitong si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.
KAUGNAY NA BALITA: ‘Itim ang kulay ng pakikiisa!’ VP Sara, pormal nang inendorso si Sen. Imee