Tuwing Semana Santa, isa na sa mga naging tradisyon sa Pilipinas na ginagawa ng mga mananampalataya ay ang Visita Iglesia kung saan bumibisita sila sa pito o 14 mga simbahan upang magdasal at alalahanin ang pagpapakasakit ni Hesukristo para sa sanlibutan.
Ngunit, ano nga ba ang kuwento ng pinagmulan ng tradisyong ito?
Base sa ulat ng ABS-CBN, ibinahagi ng church historian na si Aaron Veloso na nagsimula ang Visita Iglesia kay Saint Philip Neri noong 1500s.
Sa naturang panahon sa Rome ay may idineklara daw ang Pope na pitong basilica—ang Saint Peter's Basilica, Saint Paul's Basilica, Saint Mary Major, Saint John Lateran, Saint Sebastian, Saint Lawrence, at Basilica of the Holy Cross—na inirekomenda niya sa mga pilgrims upang magkaroon ng plenary indulgence.
Mula rito, taong 1633 nang maisip ni Saint Philip Neri na magandang puntahan ang pitong mga simbahang idineklara ng Pope.
Kaya naman, nagsimula na rin ang mga Katolikong pumunta sa naturang pitong simbahan para sa mga indulhensiya o paglilinis mula sa temporal punishment.
Hanggang sa nang sakupin ng mga Kastila ang Pilipinas at ipinakalat ang Katolisismo, nagsimula na rin ang tradisyong Visita Iglesia sa bansa, na una raw isinagawa sa Intramuros.
Sa panahong ito ay nagkataon ding pito pa ang simbahan sa Intramuros, kaya’t mas madaling naisagawa rito ang pagbi-Visita Iglesia.
Hanggang sa noong 1970s ay lumawig pa ang naturang tradisyon at nagsimula na ring bumisita ang mga Pilipino sa 14 na mga simbahan bilang pagsasalamin naman sa 14 Istasyon ng Krus.
BASAHIN: Pagninilay sa Semana Santa: Ang 14 Istasyon ng Krus
Kadalasang isinasagawa ng mga mananampalatayang Katoliko ang Visita Iglesia tuwing Huwebes o Biyernes Santo.Ikaw, Ka-Balita, anong mga simbahan ang plano mong puntahan sa iyong pagbi-Visita Iglesia ngayong Semana Santa?