Pumalo sa 50°C ang heat index Los Baños, Laguna, ayon sa tala ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ngayong Martes, Abril 15, 2025.
Ang nabanggit na heat index ay sinasabing nasa antas na mapanganib o dangerous level at pinakamataas nang naitala sa araw ng Martes.
Batay sa deskripsyon ng PAGASA, ang heat index na nasa pagitan ng 42°C and 51°C ay masasabing mapanganib na, at posibleng makaranas ang isang tao ng heat cramps at heat exhaustion na puwede pang mauwi sa heat stroke.
Sumunod namang may pinakamataas na heat index ay San Ildefonso, Bulacan na may 48°C.
Nasa 44°C naman ang Tarlac City, Tarlac; Cavite City, Cavite; Tanauan, Batangas; Pili, Camarines, Sur; at Catarman, Northern Samar.
Sumunod naman ang Echague, Isabela at Baler, Aurora sa 43°C.
42°C naman ang naitala sa Pasay City, Metro Manila; Iba, Zambales; Clark, Pampanga; Coron, Palawan; San Jose, Occidental Mindoro; Roxas City, Capiz; Iloilo City, Iloilo; at Dumangas, Iloilo.
Ayon pa sa ulat, ito na raw ang pangalawang beses na nakapagtala ng ganitong kataas na heat index ngayong Abril. Ang una ay noong Abril 1 sa Iba, Zambales.