Halos nasa 81% na ng kabuoang ₱6.326 trilyong national budget ngayong 2025 ang inilabas na ng Department of Budget and Management (DBM), katumbas ito ng ₱5.1 trilyon.
Ayon sa ulat ng ilang lokal na pahayagan noong Linggo, Abril 14, 2025, inilabas ng ahensya ang naturang halaga ng pondo sa pagtatapos ng buwan ng Marso kung saan higit na mas mababa ito kumpara sa 83.2% na inilabas noong 2024 sa kaparehong buwan.
Sa ilalim ng 2025 General Appropriations Act (GAA), halos nasa 93% na umano o ₱3.43 trilyon na ang naipamahagi sa mga kaukulang ahensya ng gobyerno.
Samantala, naibigay na rin ng DBM ang 46.6% na kabuuang pondo para sa special purpose funds o katumbas ito ng ₱246.76 bilyon mula sa kinakailangan nitong ₱529.6 bilyong alokasyon.
Nasa 65.8% naman o ₱1.39 trilyon ang naibigay na para sa automatic appropriations para sa target nitong ₱2.11 trilyon pondo.
Kasama rin sa mga inilabas ng DBM ang ₱1.03 trilyon sa National Tax Allotment, ₱152.08 para sa interest payments, ₱83.42 bilyon para sa Block Grant at ₱75.59 bilyon para sa retirement and life insurance premiums sa government agencies.
Habang naibigay na rin ng DBM ang tinatayang ₱7.51 bilyong laan sa unprogrammed appropriations.