Sinabi ng SMC Infrastructure na sinimulan na nito ang mga paghahanda para sa inaasahang pagdami ng mga sasakyan sa kanilang mga expressway simula Lunes, Abril 14, habang libo-libong Pilipinong motorista ang inaasahang aalis ng Metro Manila patungong mga probinsya para sa paggunita ng Semana Santa.
Ayon sa kompanya, nakalatag na ang mga plano sa pamamahala ng trapiko sa kanilang mga tollway, kabilang ang Southern Tagalog Arterial Road (STAR), South Luzon Expressway (SLEX), Skyway System, NAIA Expressway, at Tarlac-Pangasinan-La Union Expressway (TPLEX), at ito ay isinasaayos na rin kasama ng iba't ibang lokal na pamahalaan.
Inaasahan ng kompanya ang matinding trapiko lalo na sa mga interchange na nag-uugnay ng mga tollway sa mga pambansang daan at iba pang expressway, at pinaalalahanan ang mga motorista na planuhin nang maayos ang kanilang biyahe para sa darating na bakasyon.
“Our instruction to our operations personnel is to make sure that our traffic management plans are in sync with the different towns and cities so that traffic flows smoothly along public roads. When public roads are congested, motorists along our carriageways are also affected as traffic can extend to the exits and onto the main line,” paliwanag ni SMC chairman at CEO Ramon S. Ang.
“We hope that through close and constant collaboration with traffic management teams of LGUs, we can help reduce traffic buildups especially at critical points of convergence within our towns and cities,” dagdag pa niya.
Kabilang sa mga contingency measure ng kompanya ang pagdagdag ng mga tollway personnel gaya ng mga patroller at emergency responder upang tumulong sa mga nangangailangan.
Pinaalalahanan din ng kompanya ang mga motorista tungkol sa mga hakbang na maaari nilang gawin upang makatulong sa pagpapagaan ng trapiko sa expressway. Kabilang dito ang pagtiyak na may laman ang kanilang Autosweep RFID accounts upang maiwasan ang mahabang pila sa mga toll plaza. Maaaring mag-reload ng Autosweep RFID sa pamamagitan ng online banking apps, e-wallets, over-the-counter payment, at mga kiosk.
Para sa mga motoristang wala pang Autosweep RFID account, muling iginiit ng kompanya na libre pa rin ang mga sticker, at maaari lamang mag-load ng eksaktong halaga ng toll. Libre rin ang pagpapalit ng mga sticker na nasira na o luma na.
Pinaalalahanan din ng kompanya ang mga nagbabayad ng cash na lumipat na sa Autosweep RFID electronic toll collection system, na mas mabilis, mas maginhawa, at nakatutulong upang mapababa ang pila sa toll plaza.
Samantala, itinigil ng SMC Infrastructure ang lahat ng roadworks at konstruksyon sa mga expressway upang hindi makaapekto sa daloy ng trapiko. Nagsimula ito noong 12:00 PM ng Biyernes, Abril 11, at magtatapos ng 10:00 PM sa Lunes, Abril 21.
Bilang karagdagang tulong para sa paghahanda para sa Semana Santa, isasagawa rin ng Petron Corporation ang Lakbay Alalay program, ang pinakamatagal nang motorist assistance program sa bansa.
Magkakaroon ng libreng tulong, malilinis na palikuran, at kaunting giveaways mula sa brand partners sa Petron Marilao (NLEX), Petron San Pedro (SLEX), at Petron TPLEX northbound sa Abril 16 at 17.
Sa Abril 20, matatagpuan ang Lakbay Alalay sa Petron Bocaue (NLEX), Petron KM 44 northbound, at TPLEX southbound.
Bilang karagdagang paalala, hinihimok din ng SMC Infrastructure ang mga motorista na tiyaking maayos ang kondisyon ng kanilang mga sasakyan bago bumiyahe — kabilang na ang tamang tire pressure at kondisyon ng makina.
Pinaalalahanan din ang mga motorista na sundin ang speed limits sa mga expressway, panatilihin ang tamang distansya sa pagitan ng mga sasakyan, at laging magsuot ng seatbelt.
Sa mga expressway na nasa ground level o at-grade, ang pinakamataas na speed limit ay 100 kph para sa Class 1 vehicles, at 80 kph para sa Class 2 at Class 3 vehicles. Para naman sa elevated expressways tulad ng Skyway System at NAIA Expressway, ang speed limit ay 80 kph, maliban sa mga kurbadang bahagi kung saan 60 kph lamang ang pinapayagan para sa kaligtasan.