May patutsada ang biktima ng pamamaril na si Albuera, Leyte, mayoral candidate Kerwin Espinosa kay reelectionist Leyte 4th District Rep. Richard Gomez matapos sabihin ng huli na tila "scripted" o gawa-gawa lamang daw ang naganap na pagtatangka sa kaniyang buhay habang nasa campaign rally noong Huwebes ng hapon, Abril 10.
MAKI-BALITA: Kerwin Espinosa, binaril habang nangangampanya sa Leyte
Sa panayam kay Espinosa ng "24 Oras" ng GMA Network, pinabulaanan niyang "gawa-gawa" lamang ang nangyari at hindi naman daw siya artista gaya ni Gomez.
"Hindi naman ‘to acting. Hindi naman ako tulad sa kaniya na artista eh,” pahayag ni Espinosa.
Sagot ito ni Espinosa sa naging pahayag ni Gomez na "Honestly, para sa akin scripted ‘yong ambush... Ang pangit ng acting, ang pangit ng pagkagawa."
Kinukuwestyon ni Espinosa kung bakit may mga pulis daw mula sa Ormoc City sa nabanggit na lugar ng pamamaril.
"Bakit nandoon ang mga kapulisan niya? City director pa ang nandoon at mga intel. Sagutin mo ‘yon, Richard Gomez, bakit nandoon? Inutusan mo ba?” diretsahang tanong ni Espinosa.
Paniwala ni Espinosa, may kinalaman daw sa politika ang dahilan ng pamamaril sa kaniya. Katunggali ni Espinosa pagka-mayor ng Albuera si Leyte Board Member Vince Rama, na asawa raw ni Karen Torres, na kapatid naman daw ni Ormoc City Mayor Lucy Torres-Gomez, na asawa naman ni Gomez.
Saad naman ng Philippine National Police (PNP), pitong pulis mula sa Ormoc ang sinasabing "persons of interest" sa nangyari kay Espinosa.
Pero depensa naman umano ni Police Colonel Dionisio DC Apas Jr., director ng Leyte Provincial Police Office,"Technically, they were not at the crime scene, and there is currently no direct evidence or testimony identifying who among them may have been involved."
Saad pa sa ulat, sinibak sa puwesto si Police Colonel Reydante Ariza, bilang hepe ng Ormoc City Police, habang gumugulong pa ang imbestigasyon.
MAKI-BALITA: Matapos mabaril: Kerwin Espinosa, handang tumestigo sa ICC hinggil sa drug war