April 16, 2025

Home BALITA National

PBBM nag-react sa road rage; payo sa mga motorista, 'Wag maging kamote!'

PBBM nag-react sa road rage; payo sa mga motorista, 'Wag maging kamote!'
Photo courtesy: Screenshot from Bongbong Marcos (FB)

Nagbigay ng reaksiyon si Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. hinggil sa mga balita ng "road rage" sa mga nagdaang araw, lalo na't maraming mga motorista at pasahero ang bibiyahe para sa kani-kanilang mga pupuntahang may kinalaman sa Holy Week break.

Ayon kay PBBM sa kaniyang latest vlog, pinag-iingat niya ang mga motorista sa kalsada upang maiwasan ang anumang gulong maaaring mangyari kung sakaling magkaroon ng aberya sa kalsada. Nagbigay na rin siya ng payo sa lahat upang maiwasan ang road rage.

"Ang tatapang na natin lahat! Siga lahat! Ano na ba ang kulturang ito na pagiging siga sa daan. Saan ba natin nakuha ito? Ano na bang nangyayari sa atin at parang natural na lang ang mga ganitong komprontasyon at karahasan. Tayong lahat ay kailangang sumunod sa batas-trapiko. Kailangan ang disiplina para maging responsableng mga Pilipino sa lansangan. Wag maging kamote!" aniya.

Iginiit din ng pangulo na ang lisensya sa pagmamaneho ay isang pribilehiyo at hindi karapatan. Kaya kailangan daw ayusin ng mga motorista ang kanilang mga ugali pagdating sa pagmamaneho.

National

50°C na heat index, naitala sa Los Baños, Laguna

Pagbibigay-diin pa ni PBBM, "Ang bagong Pilipino ay disiplinado sa lansangan. Maingat sa pananalita. Nagtitimpi at pinipili ang kapayapaan. Ang lahat ay napag-uusapan nang maayos at malumanay..."

Sa kabilang banda, nauunawaan naman daw ng pangulo na sadyang nakakainit ng ulo ang mga ganitong senaryo sa kalsada, gaya ng mabigat na daloy ng trapiko at mga pasaway at hindi sumusunod sa batas-trapiko, pero kailangan na lang daw magpasensya.

"Pasensya na lang, palampasin n'yo na lang. Ano naman ang mawawala sa atin, one second, five seconds, twenty seconds... pagbigyan na natin at huwag na natin patulan," pahayag pa ng pangulo.