Nagbigay ng pananaw si Professor Eric De Torres kaugnay sa resulta ng latest pre-election survey para sa mga kumakandidatong senador.
Si De Torres ang tumatayong chairman ng University of the East Political Science Department.
Sa latest episode ng “Morning Matters” nitong Lunes, Abril 14, natanong si De Torres kung sang-ayon ba siya sa mga kapuwa niya political scientist na nagsasabing nakakaapekto sa 2025 midterm elections ang pagkaaresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
“Yes, kitang-kitang natin ‘yan no’ng nakaraang dalawang survey. Biglang umangat na ‘yong standing ni Senador Bong Go. Umangat na rin ‘yong posisyon ni Senator Bato Dela Rosa,” saad ni De Torres.
“Kung mapapansin din natin ay may posibilidad din na pumasok ‘yong mga nasa ibaba before na hindi naman napapansin tulad ni Cong. Rodante Marcoleta na may tiyansa,” pagpapatuloy niya.
Dagdag pa niya, “Gano’n din pagdating do’n sa mga iba pang kandidato ng PDP [Partido Demokratiko Pilipino] na kung saan very much associated sa partido ng former president Rodrigo Duterte.”
Kaya ang hamon sa mga botante ay kung paano maibabalik ang diskurso ng eleksyon sa plataporma ng mga kandidato.