Patay ang isang taong gulang na batang lalaki sa North Cotabato matapos umano siyang tuklawin ng anim na beses sa kaniyang ulo ng hinihinalang diamond snake.
Ayon sa mga ulat, naiwang mag-isa ang biktima matapos umanong umalis sandali ang kaniyang lola upang kumuha ng pagkain. Nadatnan na lamang daw ng lola ang bata na pinuluputan na ng ahas sa bahagi ng kaniyang ulo kung saan ito tinuklaw.
Sinubukan pa raw alisin ng lola ang pagkakalingkis ng ahas sa kaniyang apo ngunit hindi niya ito kinaya, dahilan upang tumawag siya ng mga reresponde. Isang residente sa kanilang lugar ang bumaril sa naturang ahas upang masagip ang bata na agad na dinala sa ospital ngunit kalauna’y nasawi rin.
Ang diamond snake sa Pilipinas ay isa sa mga highly venomous na ahas na may neurotoxic sa kanilang mga kamandag. Ang sinomang matuklaw nito ay maaaring magkaroon ng komplikasyon sa nervous system at respiratory failure na maaaring magresulta sa pagkasawi.