May mga nag-aalok na pala sa award-winning actor na si Allen Dizon na sumabak sa politika.
Pero bakit nga ba hindi niya pinapansin?
Pag-amin kasi ng aktor, pakiramdam niya, hindi pa siya handa sa ganitong klaseng seryosong tungkulin, at natatakot din siyang mapahiya.
"Parang kailangan ko mag-aral kung papasukin ko 'yong politics. Kailangan ko munang i-set aside 'yong career ko and family ko to enter politics," sagot niya.
"Pag-aralan mo kung papasukin mo 'to kasi hindi basta-basta eh. Baka hindi ko magawa 'yong... baka iboto ako ng mga tao, hindi ko magawa 'yong role ko, hindi ko magawa 'yong bilang isang public servant or maging ano ka. Baka mapahiya lang ako," aniya.
Sinabi ni Allen ang mga pahayag na ito nang mag-guest sila ng co-actor na si Richard Yap sa "Fast Talk with Boy Abunda" noong Abril 10, para sa promotion ng kanilang pelikulang "Fatherland."
Kabaligtaran ni Allen, si Richard ay nagtangkang sumabak na sa politika noong 2019 at 2022 elections bilang kongresista ng Cebu subalit hindi naman siya nanalo.