Pinatutsadahan ni senatorial aspirant Atty. Kiko Pangilinan ang pagkakaroon umano ng pondo para sa troll farms sa halip na maibigay ito sa totoo raw na pangangailangan ng mga bukid.
Sa kaniyang X post noong Sabado, Abril 12, 2025, ibinida ni Pangilinan ang ilang mga batas na naisulong daw niya sa Senado upang tugunan ang pangangailangan ng mga magsasaka.
“Noong 2011, isa ang Alcala Onion Rice Corn Growers Multipurpose Cooperative sa Pangasinan sa 25 organisasyong sinimulan nating tulungan sa ilalim ng Sagip Saka Program habang ako'y Chairperson ng Senate Committee on Agriculture,” ani Pangilinan.
Dagdag pa niya, “Noong 2019, naisabatas natin ang Sagip Saka Act na naglalayong direktang makapagbenta ang ating mga magsasaka at mangingisda sa merkado—kasama na rito ang pagbili ng gobyerno para sa feeding programs, relief operations, at iba pang mga serbisyo.”
Matatandaang nauna nang ihayag ng National Bureau of Investigation (NBI) na magtutulungan umano sila ng Department of Justice (DOJ) upang matugunan ang isyu ng fake news sa bansa, kabilang na ang pagkakaroon ng mga troll farms.
Ang troll farms ay isa umanong bayad na grupo sa social media o internet na nagpapakalat ng mga maling impormasyon o umaatake sa isang indibidwal, lalo na kung public figure.
KAUGNAY NA BALITA: NBI, DOJ, balak tuntunin ang mastermind sa paglaganap ng fake news
Samantala, siniguro naman ni Pangilinan na muli raw niyang tututukan ang pondong susuporta sa sektor ng agrikultura at pangingisda kung muli siyang maihahalal sa Senado.
“Sa ating pagbabalik sa Senado, patuloy nating isusulong ang full implementation ng Sagip Saka Act at mas mataas na pondo at suporta para sa agrikultura at pangisdaan—para sa patas na kita ng ating mga magsasaka at mangingisda, mas abot-kayang pagkain, at mas maraming oportunidad para sa lahat!” saad ni Pangilinan.