Sa kaniyang pakikiisa sa paggunita ng Linggo ng Palaspas nitong Abril 13 bilang pagsisimula ng Mahal na Araw, hinikayat ni House Speaker Martin Romualdez ang publikong magkaisa sa pananampalataya upang itaguyod ang “kapayapaan, kabutihan, at pagkakalinga para sa bawat Pilipino.”
Binanggit ni Romualdez sa isang Facebook post ang mapagkumbabang pagkapasok ni Hesukristo sa Jerusalem noon habang sakay ng isang asno.
Nakasaad sa Bibliya na sa pagpasok ni Hesus sa templo, masayang naglatag ang mga taong nagdiriwang ng pista ng Paskwa, ng mga dahon ng palma o palaspas sa kaniyang dinaraanan.
Kaugnay nito, hiniling ng House leader na magsilbi raw paalala sa lahat ang ginawa ni Hesus bilang “isang makapangyarihang larawan ng pamumunong may malasakit at pusong handang maglingkod.”
“Patuloy tayong magkaisa sa pananampalataya at sa adhikaing itaguyod ang kapayapaan, kabutihan, at pagkakalinga para sa bawat Pilipino,” ani Romualdez.
“Hosanna sa Anak ng Diyos! Isang mapagpalang Linggo ng Palaspas sa ating lahat,” dagdag niya.
Ipinagdiriwang ng mga Kristiyano ang Mahal na Araw mula ngayong Linggo ng Palaspas hanggang sa Abril 20 o ang paggunita ng Muling Pagkabuhay ni Hesukristo matapos Niyang ialay ang Kaniyang buhay para sa sanlibutan.