Nagbigay-paalala ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa mga motorista kasunod ng nangyaring karambola ng mga sasakyan sa pagsisimula ng Semana Santa nitong Linggo, Abril 13, 2025.
Muling ipinaalala ng MMDA ang kahalagahan ng pagsunod sa batas-trapiko at pagiging alerto sa kalsada.
“Paalala sa mga nagmamaneho: Dapat sumunod sa mga batas trapiko at laging maging alerto sa kalsada. Huwag balewalain ang maintenance ng sasakyan, lalo na ang gulong, na dapat ay regular na sinusuri. Ang paggamit ng kalbo o sira-sirang gulong ay nagdudulot ng panganib,” anang MMDA.
Dagdag pa nito, “Ang mga driver ng pampasaherong sasakyan ay may malaking responsibilidad sa pagtiyak na ligtas ang kanilang mga pasahero.”
Matatandaang dalawa ang naiulat na nasawi sa nasabing akisdente habang pito naman ang sugatan matapos tumaob ang pampasaherong traditional jeep na bumangga sa isang modern jeep at pribadong sasakyan.
KAUGNAY NA BALITA: Tatlong sasakyan nagkarambola sa Commonwealth Avenue; 2 patay, 7 sugatan!
Samantala, nagpaabot din ng pakikiramay ang MMDA sa pamilya ng mga nasawing pasahero.
“Nakikiramay ang Metropolitan Manila Development Authority sa mga pamilya ng mga nasawi dahil sa nasabing insidente ng banggaan. Mahalaga ang bawat buhay at kami ay nananawagan sa lahat na maging responsable at mag-ingat,” saad ng MMDA.