April 15, 2025

Home FEATURES Human-Interest

Mga negatibong bagay at paniniwalang iniuugnay sa Biyernes Santo

Mga negatibong bagay at paniniwalang iniuugnay sa Biyernes Santo
Photo courtesy: Pexels

Banal man kung ituring ng karamihan ang araw ng Biyernes Santo, tila nasa anino na rin ng araw na ito ang mga negatibong paniniwalang nagpasalin-salin sa tuwing sasapit ito. Mula sa mga pelikula, kuwento at kuro-kurong hanggang ngayon ay nananatiling kasabihan at paniniwala. 

Patay ang Diyos

Bagama’t hindi nakalagay sa Bibliya ang eksaktong araw ng pagkamatay ni Hesus, buhay sa paniniwala ng marami na sa ekastong 3:00 ng hapon ng Biyernes Santo umano pumanaw ang Tagapagligtas. Bunsod nito, marami rin ang nagsasabi o kumikilala na dahil sa pagkamatay ni Hesus sa naturang araw, ay siya namang pagpasok din ng mga kamalasang maaari daw na mangyari. 

Masamang mag-ingay 

Human-Interest

Travel vlogger, naglabas ng saloobin tungkol sa 'random checking' na nagaganap sa airport

Bunsod ng pagkilala sa Biyernes Santo bilang unang araw na patay si Hesus, nakaugalian na ang paniniwalang bawal mag-ingay sa araw na ito. Isang pamahiing nananatiling ginagawa ng marami upang magbigay daan na rin umano sa pagninilay at katahimikan ng Biyernes Santo. May ilan ding naniniwala na sa ganitong paraan din umano makakaiwas magtawag ng mga masasamang espirito na gala habang patay si Kristo.

Gala ang diyablo

Ayon sa mga nagpasa-pasang kuwento, habang patay si Hesus, ay siya namang paggala umano ng diyablo at masasamang elementong direkta raw nakakaapekto sa mga tao katulad ng kulam, sapi at pagmumulto.

Ang kababalaghan sa Mt. Cristobal 

Hindi rin iba sa kaisipan ng karamihan ang isang bundok na bumabaybay sa mga probinsya ng Laguna at Quezon—ang tinaguriang “Devil’s Mountain,” ang Mt. Cristobal. Maraming kuwentong kababalaghan ang bumabalot sa Mt.Cristobal na ito raw ay binabantayan ng mga masasamang elemento. May ilan ding nagsasabi na ilang mga hikers na rin ang naligaw at pinaglaruan ng mga umano'y elemento sa lugar. Bunsod nito, maraming lokal sa paanan ng Mt. Cristobal ang naniniwalang hindi umano maaring akyatin ang bundok higit lalo na sa tuwing sasapit ang Biyernes Santo. 

Epektibo ang black magic

Mas nagiging epektibo rin umano ang mga bulong, panggagamot at pangungulam sa tuwing Biyernes Santo. Pinaniniwalaan ding mabisang dasalan ang mga anting-anting sa pagpatak ng 3:00 ng hapon, kasabay ng paniniwalang pagpanaw noon ni Hesus. 

Sa kabila ng mga ganitong paniniwala, mariin pa ring ipinupunto ng Simbahang Katolika, na ang Biyernes Santo ang araw kung saan ipinamalas ng Diyos ang kaniyang pagmamahal sa sanlibutan nang tubusin Niya ang kasalanan nito sa pagpanaw sa krus ng kalbaryo.