Sa kabila ng kabi-kabilang mga pagtatalo patungkol sa mga magpapatotoo ng naging buhay at kuwento ni Hesus sa mundo, may ilang ancient discoveries discoveries sa iba’t ibang lugar sa mundo na nagsasabi o nagpapatunay umano ng pag-iral ng sinasabing “Tagapagligtas” batay na rin sa mga tala sa Bibliya.
Ang libingan ni Hesus
Pinaniniwalaang nasa loob ng Church of Holy Sepulchre ang umano’y libingan ni Hesus na nadiskubre noong 326 AD sa ilalim ng noo’y pamumuno ni Haring Constantine. Ilang archaeological research na raw ang nagpapatunay na kinatatayuan ng simbahan ay dating libingan ng mga Hudyo na nasa labas ng pader ng Jerusalem. Bagay na siyang sumusuporta raw sa pagkakalarawan ng libingan ni Hesus batay sa sinasabi ng Mateo 27:39.
Ang telang ibinalot sa mga labi ni Hesus
Nakalagak naman sa pangangalaga ng Cathedral of Saint John the Baptist sa Italya ang sinasabing tela na siyang ibinalot sa katawan ni Hesus noong ito ay inalis sa pagkakapako sa krus at inilibing. Bagama’t minsan na itong idineklarang peke noon ni Pope Clement VII sa halos 600 taong nakalipas, isa pa rin ito sa mga bagay na banal at sagrado ng ilang Katoliko.
Ang Krus na pinagpakuan kay Hesus
Noong 326 AD nang matagpuan ni Empress Helena ang umano’y krus ni Hesus kasama ang dalawa pang krus na pinagpakuan ng dalawang kriminal na kasabay Niya. Ayon sa Catholic News Agency, nananatili sa Rome Basilica ang nasabing parte ng krus ni Hesus na natagpuan sa Jerusalem.
Golgotha—Ang lugar ng pinagpakuan kay Hesus
Isang lugar sa Jerusalem ang dinarayo rin ng mga deboto sa paniniwalaang iyon ang lokasyon ng Golgotha, ang lugar na nabanggit sa Bibliya kung saan ipinako si Hesus. Malapit ito sa Church of Holy Sepulchre na nakabatay din umano sa deskripsyon ng Banal na Kasulatan. Bagama’t may ilang archeologist ang kumukwestiyon sa naturang lokasyon, marami pa rin ang tumuturing dito na sagradong lugar.
Ang lugar ng kapanganakan ni Hesus
Sa pamumuno pa rin ni Haring Constantine, ipinatayo ang Church of Nativity na pinaniniwalaang nagkakanlong sa lugar kung saan ipinanganak si Hesus. Batay umano sa ilang Bible scholars, ang Bethlehem, partikular na ang lugar na pinagsilangan kay Hesus ay nasa loob ng isang kuweba, na siya umanong natagpuan nina Haring Constantine at ginawang simbahan noong 327 AD.
Bagama’t nananatiling nagtatalo ang siyensya at ang simbahan sa orihinal na mga pruwebang magpapatunay ng buhay ni Hesus. Nananatiling buhay at nagpapasa-pasa ang paniniwala ng Kristiyanismo, sa isang Mesiyas na minsan nang nakipamuhay kasama ng sanlibutan.