April 14, 2025

Home FEATURES Trending

Batang babaeng ibinibida graduation toga sa nanay na PDL, nagpaluha

Batang babaeng ibinibida graduation toga sa nanay na PDL, nagpaluha
Photo courtesy: Screenshots from Relyn Egos (FB)

Bumuhos ang emosyon ng mga netizen sa isang viral video kung saan makikita ang isang batang babaeng nakasuot ng graduation toga habang nakatingala sa isang babaeng kumakaway-kaway sa kaniya, sa mataas na palapag ng isang gusaling may rehas na bintana.

Ayon sa viral video ng nagngangalang si "Relyn Egos," ang batang babae sa video ay pamangkin niyang si "Scarlet," graduate ng kindergarten, at ang babaeng kinakawayan nito ay kapatid niyang "person deprived of liberty" o PDL.

Batay sa Facebook post ni Egos noong Abril 10, talagang sinadya nilang dumalaw sa piitan ng kapatid upang masilayan nito kahit sa bintana man lamang ang kaniyang anak na nakasuot ng graduation toga.

Alam daw niya ang nararamdaman ng isang batang hindi magulang ang kasama sa seremonya ng pagtatapos, dahil ganoon din ang naranasan nila ng kapatid, matapos maghiwalay ang mga magulang nila noong maliliit pa sila.

Trending

Guro, nakatanggap ng sexual remarks mula sa estudyante

Ayon pa sa post ni Egos, nakulong ang kapatid niya matapos mapagbintangan at madamay sa isang drug case.

Photo courtesy: Screenshot from Relyn Egos (FB)

"Kung may maayos lang sanang hustisya sa ating batas dito, at kung may konsensiya lang sana ang mga taong sangkot. Kami mismo ang humarap sa mga pulis—at pulis na mismo ang nagsabi na nadamay lang daw siya, na ibang babae talaga ang target at dapat 'yon ang binabantayan nila," salin sa wikang Filipino ng bahagi ng post ni Egos na nasa lokal na wika.

"Pero siya ang naabutang naroon, kaya sa kaniya napunta ang kasong hindi naman dapat sa kaniya..."

Hangad daw ni Egos na makamit ng kaniyang kapatid ang hustisya para sa kaniya, upang makalaya na siya at makasama na ang anak.

Batay pa sa ibang Facebook posts ni Egos, marami na raw nagpapadala ng mensahe sa kaniya, na nagnanais magbigay ng tulong para kay Scarlet, bagama't hindi pa rin maiiwasan ang ilang "scams."

Ang mga tulong-pinansyal na ipinadadala naman sa kaniya para kay Scarlet ay gagamitin daw sa mga pangangailangan ng bata sa kaniyang pag-aaral.