April 14, 2025

Home FEATURES Human-Interest

Ang kwento ng debotong apat na beses nang pinakitaan ng himala ng Hesus Nazareno

Ang kwento ng debotong apat na beses nang pinakitaan ng himala ng Hesus Nazareno
Photo courtesy: Jacob Caisip/FB

Ilang pilosopiya na ang nagbigay ng hatol patungkol sa usapin ng himala at siyensya, kung saan may ilang nagsabi, na ang hindi raw maipaliwanag ng siyensya, ay kayang bigyang linaw ng himala. 

Isang deboto ng Hesus Nazareno ang nagpatotoo na ang tunay na kagalingan ay makukuha sa pananampalataya. Baon niya ang kuwento kung paano raw tinalo ng kaniyang pananampalataya ang hatol ng siyensya.

Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Jacob Caisip, 37 taong gulang, ibinahagi niya, ang isang patotoo kung paano sinubok ang kaniyang paniniwala sa naranasang himala.

Ayon kay Jacob, high school student daw siya nang una niyang maranasan ang himala. Kuwento niya, papunta raw siyang Carriedo noon mula sa Pasay City kung saan siya nakatira, nang makuha ng mga taong nakayapak at nakasuot ng maroon, pula at kulay ginto nag kaniyang atensyon. Sinundan niya ang mga ito kung saan napadpad siya sa Quiapo Church. 

Human-Interest

Mga negatibong bagay at paniniwalang iniuugnay sa Biyernes Santo

“Pagpasok ko po sa loob ng simbahan ang daming tao. At kahit mainit at siksikan, iba po yung feeling sa akin. Tapos pagharap ko sa altar, para kong binuhusan ng malamig na tubig na hindi ko ma-explain,” ani Jacob. 

Doon niya na raw sinubukang ipagdasal ang kaniyang ina na kinakailangang sumailalim sa isang heart procedure.

“Nung nagdasal ako, hindi ko alam na bigla akong lumuhod. Nagdasal ako sabi ko, kung totoo nga talaga yung mga sinasabi nila na ang Nazareno mapaghimala… sabi ko ‘Pagalingan mo lang yung nanay ko, ‘wag lang sana dumating sa point na gagawin sa kaniya yung procedure, nangangako ako na gagawin ko rin yung ginagawa nung mga taong nakapaligid sa akin.,” aniya. 

Matapos daw ang dalawang linggo, muling bumalik si Jacob at ang kaniyang ina sa doktor kung saan idineklarang hindi na raw kailangan pang sumailalim ng kaniyang ina sa isang procedure. 

“Mas nangibabaw sa akin na kapag ibinigay mo yung heart mo at faith mo sa Nazareno is ibibigay talaga,” saad ni Jacob. 

Dito na raw nagsimula ang mas malalim pang debosyon ni Jacob hanggang sa subukin muli ang lalim ng pananampalataya niya nang siya ay nagbabalak ng gumawa ng sariling pamilya. 

Taong 2009 na daw nang ma-diagnose ng uterine fibroids ang kaniyang kasintahan kung saan nadiskubre ng doktor na halos kasing laki ng bola ng basketball bukol sa matres nito. 

“Sabi po nung doktor, dahil ganoon ang kaniyang kondisyon, hindi kami pwedeng magkaanak in the future dahil nga sa bukol na nandoon sa kaniyang matres,” ani Jacob.

Matapos ma-diagnose ang kaniyang nobya, dumiretso raw sila sa simbahan ng Quiapo at muling nagdasal. 

“Sabi ko po, ‘Senior, pagkalooban mo naman po ako kahit isa lang. Ni-request ko pa nga na kung bibigyan mo ako ng anak, sana po lalaki. Yun po ang hiniling ko sa kaniya,” saad ni Jacob.

Magmula raw noon ay mas naging madalas ang pagsimba nila sa simbahan ng Quiapo. Makalipas ang ilang buwan nang ikasal din sila. Nasa trabaho raw si Jacob nang bigla siyang pauwiin ng kaniyang misis.

“Pag-uwi ko po, nandoon siya sa kama namin. Mayroon siyang katabing  limang pregnancy test. Inabot niya po yun sa akin habang umiiyak siya, pag-angat ko ng pregnancy test, lahat ‘yon tinignan ko nang isa-isa. Lahat ‘yon positive,” aniya.

Kaya naman nakapagdesisyon daw nilang muling bumalik sa doktor kung saan tuluyang nakumpirma ang ipinagbubuntis ng kaniyang asawa. Ngunit hindi raw doon natapos ang panibagong hamon sa kanila. 

“Kailangan nating obserbahan. Kasi habang tumatagal lumalaki rin po yung bukol. Kasabay nung bata na nasa loob na lumalaki rin, sabi nung doktor yung sustansya na dapat nakukuha nung bata is napupunta doon sa bukol. May possibility na yung anak mo kapag lumabas mayroon siyang deformities o kakulangan sa ibang parts ng katawan n’ya,” kuwento ni Jacob. 

Muli raw nilang hiniling sa Nazareno ang kaligtasan ng kaniyang asawa at magiging anak. Hanggang lumipas ang siyam na buwan at nanganak ang kaniyang misis.

“Napakanormal n’ya, napakalusog na bata. Noong ilang buwan sinasabi ng doktor ‘baka may ganitong chance, baka may ganiyan.’ Pero noong nakita ko siya, normal na normal. Iyak na naman po ako noon kasi eto na naman binigyan na ulit kami ng blessing,” saad ni Jacob.

Dagdag pa niya, “Nairaos namin lahat ng worries namin. Kumbaga yung faith po, yun yung tumalo sa lahat eh.”

Ipinangalan nila kay Hesus Nazareno ang kanilang anakj na si Yeshua Nazer na ngayo’y 13 taong gulang na. 

Sa kabila nito, hindi pa raw doon nagtapos ang kanilang hamon, dahil sa nananatiling bukol ng kaniyang asawa sa matres. Dumating na raw sa puntong hindi na makalakad ang kaniyang asawa dahil sa isang ugat na naipit malapit sa singit nito bunsod ng nasabing bukol.

Bunsod nito, kailangan daw sumailalim sa isang procedure ang kaniyang asawa upang mahanap ang bara na naipit sa isang ugat. Bago raw gawin ang naturang procedure ay sumaglit sa Quiapo Church si Jacob at inihayag ang pagtitiwala niya raw sa plano ng Diyos. Kaya naman laking gulat daw ni niya nang ikansela ng doktor ang procedure ng kaniyang asawa dahil sa biglaang pagbuti ng kondisyon nito. 

Habang taong 2022 nang tuluyan na raw natanggal ang bukol sa matres ng kaniyang msis. Bagama’t hindi na raw sila maaaring magkaanak pang muli, malaki na raw ang kanilang habang buhay na pasasalamat para sa itinuturing daw nilang “miracle baby.”

May mensahe rin si Jacob para sa lahat ng mga taong sinusubok ang pananampalataya.

“Kapag humiling o nagdasal tayo, mayroon lang dalawang sagot. Yung una, ‘Sige anak, Yes eto ibibigay ko yung hinihiling mo.’ Or, ‘I have better plans for you.’ Huwag hihinto kasi mayroong tamang panahon,” saad ni Jacob. 

Ang kuwento ni Jacob ay isang patunay, na ang himala ay hindi nakikita. Ito ay pinanghahawakan at pinagtitibay ng mas malalim pang paniniwala.