April 15, 2025

Home FEATURES Mga Pagdiriwang

ALAMIN: Mga dapat isaalang-alang sa wastong paggunita ng Semana Santa

ALAMIN: Mga dapat isaalang-alang sa wastong paggunita ng Semana Santa
Photo Courtesy: Pexels

Sa mabilis na pagbabago ng panahon, tila nakakalimutan na ng ilang mananampalatayang Kristiyano ang pinaka-ubod kung bakit ginugunita ang Semana Santa. Unti-unting naglalaho ang espiritu ng solemnidad.

Sa kalendaryo ng mga tagasunod ni Kristo, bahagi ito ng panahon na kung tawagin ay Kuwaresma. Mula sa salitang Latin na “quadragesima” na nangangahulugang apatnapu.  

Tumutukoy sa apatnapung araw na preparasyon para sa Paschal Triduum o iyong huling tatlong araw ni Jesus sa mundo mula sa Kaniyang pagpapakasakit, kamatayan, at muling pagkabuhay.

Sa eksklusibong panayam ng Balita, natanong si Father Warren Puno, Kura Paroko ng Our Lady of Peace and Good Voyage Parish Church, kung ano-ano ba ang mga dapat isaalang-alang ng mga mananampalataya sa pagsapit ng Semana Santa.

Mga Pagdiriwang

Ang Bibliya sa buhay ng mga Kristiyanong Pilipino

Photo Courtesy: Paring Kinaawaan ng Diyos (FB)

“Ang inaasahan sa atin,” sabi ni Father Warren, “katulad noong mga unang panahon, na ‘pag may ‘Santo’ na ang araw—Lunes Santo, Martes Santo, Miyerkules Santo, Huwebes Santo, Biyernes Santo, Sabado Santo—talagang mas tahimik ang paligid noon.”

“At talagang hinihiling na magkaroon tayo ng mas malalim na pagninilay at pagtingin lalo’t higit sa ating sarili at sa relasyon natin sa Diyos; sa Kaniyang pag-aalay ng Kaniyang buhay para sa atin,” pagpapatuloy niya.

Kaya giit ng lingkod-pari, “Anong hinihiling sa mga araw na ito? Dapat katahimikan. Mas malalim na pananalangin at pagninilay doon sa ginawa ng ating Panginoong Hesukristo at anong relasyon nito sa buhay ko.”

Bukod dito, binanggit din ni Father Warren ang isang araw na fasting at abstinence na dapat isinasagawa sa kasagsagan ng Semana Santa.

“Halimbawa, kung triple meals ‘yan, dalawang half, isang full. [...] So, fasting ‘yon. At ‘yong abstinence, we are abstaining from eating meat. Kaya hindi kumakain ng karne ‘pag Biyernes Santo,” aniya.

Ayon kay Father Warren, ang ganitong mga maliliit na sakripisyo raw ay isang anyo ng pagsasanay upang malabanan ang mas malaking tukso na posibleng maengkuwentro sa hinaharap.

“Tinuturuan tayo ng disiplina ng Lent na ito na hindi pagkain ng karne, pagbabawas ng pagkain, para madisiplina natin  ang sarili, para ‘pag dumating ang mga tukso na magdadala sa atin sa pagkakasala…mayro’n tayong lakas na tanggihan ‘yong tusko na ‘yon,” saad niya.

Ipinaalala rin ni Father Warren na ang mga pasinaya—gaya ng outing o reunion— ay hindi dapat isinasagawa tuwing Biyernes Santo o Sabado de Gloria. 

“Ang paga-outing ay ‘yong Linggo ng Pagkabuhay. Even Saturday, hindi pa. Hindi pa talaga. Linggo talaga ng Pagkabuhay. So, ‘yon ‘yong nakakalungkot ngayon,” sabi ni Father Warren.

Gayunman, naghayag pa rin si Father Warren ng optimistikong pananaw sa kabila ng mga pagbabagong ito sa kasalukuyan.

Anang lingkod-pari, “Ang isang maganda because of social media, ‘yong mga old traditions na ginagawa, ibinabalik. [...] Halimbawa, ‘yong mga paglilibing ng Santo Inchero o kaya ‘yong Prusisyon de Soledad.” 

“May mga gano’n. Tapos ‘yong mga santo pagandahan ngayon. Kasi nakikita nila sa social media. Talagang ginagastusan,” dugtong pa niya.

Sa huli, umaasa si Father Warren na mamulat ang kabataan sa ganitong tradisyon ng simbahan dahil ang pagpapatuloy nito sa dadakuhing panahon ay nakasalalay sa kanila.

Photo Courtesy: Paring Kinaawaan ng Diyos (FB)