Bukod sa Pasko, Semana Santa ang isa rin sa mahahalagang araw sa kalendaryo ng mga Kristiyano. Ito ang panahon ng pagtitika at pagninilay habang ginugunita ang sakripisyo at kamatayan ni Hesukristo upang tubusin ang sanlibutan mula sa kasalanan.
“Gayon na lang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan kaya ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak,” sabi sa Juan 3:16, ”upang ang sinomang sumampalataya sa Kaniya’y hindi mapahamak kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.”
At upang higit na mabigyang kahulugan at kabuluhan ang mga banal na araw na ito, narito ang 12 pelikulang Pinoy na tumatalakay sa konsepto ng pananampalataya o ng mismong kawalan nito.
1. Himala
Isa ang "Himala" sa mga itinuturing na pinakamahusay na pelikula sa kasaysayan. Nagmarka na sa kamalayan ng marami ang imortal na linyang mula mismo rito. Sino pa nga ba ang makakalimot sa “Walang himala. Ang himala ay nasa puso ng tao. Nasa puso nating lahat?”
Hindi ito nakapagtataka dahil ang screenplay nito ay mula sa panulat ni Ricky Lee at dinirek naman ni Ishmael Bernal na parehong mga National Artist.
Nakasentro ang kuwento ng pelikula kay Elsa na ginampanan ng isa ring National Artist na si Nora Aunor. Residente si Elsa sa bayan ng Cupang at isang araw ay nagpakita sa kaniya ang Birheng Maria. Simula noon, nagkaroon siya ng kakayahang makagawa ng mga himala gaya ng pagpapagaling sa mga may-sakit.
Tinangkang suriin ng "Himala" hindi lang ang pananampalataya kundi maging ang lipunang Pilipino sa kabuuan.
2. Magnifico
Idinirek ni Maryo de los Reyes at isinulat naman ni Michiko Yamamoto ang kuwento at iskrip ng “Magnifico” na maikokonsidera marahil bilang isa sa mga pelikulang nakapagpaluha sa maraming Pilipino.
Itinampok sa pelikula ang buhay ng titular character nitong si Magnifico na ginampanan ng dating child star na si Jiro Manio. Si Magnifico ay isang batang lalaki na nag-ipon ng pera para sa lola niyang may malalang karamdaman at sa kapatid niyang nangangailangan ng wheel chair.
Mabisang naipakita sa pelikula na ang kabutihan ay natural na taglay ng isang bata sa kabila ng kasalatan sa mga materyal na bagay.
3. Seklusyon
Pinagtulungang buuin nina Erik Matti at Anton Santamaria ang Seklusyon na isang supernatural horror film.
Naka-set ang mundong iniinugan ng “Seklusyon” sa panahong saklaw ang 1947. Tampok dito ang mga tauhang nangangarap magpari na ipinadala sa isang malayong kumbento upang maprotektahan ang kanilang mga sarili mula sa mga makamundong gawain.
Ngunit ang kanilang pag-iisa sa malayong lugar na iyon ay magagambala nang dumating ang isang batang babae, na hindi mawari kung sugo ba mula sa Diyos o sa demonyo.
4. Mallari
Bago pa man maisapelikula ni Roderick Cabrido noong 2023, matagal nang bahagi ng guni-guning Pilipino ang maalamat na buhay ni Father Juan Severino Mallari.
Si Mallari ang itinuturing na kauna-unahang serial killer na naitala sa kasaysayan ng Pilipinas. Tinatayang 57 ang kaniyang pinatay sa Magalang, Pampanga noong 1800s. Di hamak na mas maaga ng anim na dekada bago lumitaw si Jack The Ripper.
Pinunan ni Cabrido sa “Mallari” ang puwang sa likod ng mga pagpatay ng paring serial killer. Ano ang kaniyang pinaghugutan? Saan siya nanggagaling? Tinugon din dito kung aling panig ang mananaig: pananalig sa Diyos na pinaglilingkuran o pagmamahal sa magulang?
5. Eerie
Dinirek at isinulat ni Mikhail Red ang “Eerie” kasama sina Rae Red at Mariah Reodica. Ang genre nito ay kombinasyon ng supernatural, horror, mystery, at thriller.
Umiikot ang kuwento ng pelikula matapos kitilin ng isang estudyante mula sa Catholic school ang buhay nito. Dito na magsisimulang pumasok ang papel ng karakter ni Bea Alonzo bilang si Pat Consolacion na guidance counselor ng nasabing paaralan.
Hindi lang niya tutulungan ang mga estudyante kung paano maiigpawan ang trahedyang nangyari. Tutuklasin din niya ang misteryo sa likod ng kamatayan ng estudyanteng binawi ang sariling buhay.
6. Tanging Yaman
Natatangi ang “Tanging Yaman” ni Laurice Guillen sa maraming pelikulang Pilipino. Isang religious family drama.
Umiikot ang kuwento sa muling pagtatagpo ng tatlong magkakapatid sa dati nilang tahanan matapos mamatay ng kanilang ama. Muling mauungkat ang mga dating pagtatalo.
At sa away na ito ay papagitna ang nanay nilang si Loleng, karakter na ginampanan ni Gloria Romero, na unti-unti nang iginugupo ng Alzheimer's disease.
Itinatampok sa “Tanging Yaman” ang kahinaan at kalakasan ng bawat pamilya sa bansa at kung paano naipagbubuklod ng pag-ibig silang mga nagkawatak-watak.
7. Santa Santita
Kung pamilya ang paksa ng “Tanging Yaman,” ginalugad naman ni Laurice Guillen sa “Santa Santita” ang katauhan ni Maria Magdalena sa konteksto ng modernong panahon.
Matatandaang si Magdalena sa Bibliya ay isang babaeng bayaran na naging santa kalaunan.
Matutunghayan sa “Santa Santita” ang kuwento ni Malen na matapos nahulog ang loob sa isang lalaki ay umalis sa poder ng kaniyang ina. Ngunit nang mamatay ang huli ay kailangan niyang palitan ang naiwang tungkulin nito bilang intercessor.
Ginampanan ni Angelica Panganiban ang karakter ni Malen sa “Santa Santita.” Inilarawan niya ang pelikula sa isang panayam bilang pinakamalaking turning-point ng kaniyang career bilang aktres.
“Mahirap. Nakakatakot talaga. And at some point, no'ng sinisimulan ko 'yong pelikula talagang 'di ko alam kung ano 'yong ginagawa ko,” aniya.
8. Father Jejemon
Seryosong bagay ang pagpapatawa, ‘ika nga. At hindi naman sa lahat ng pagkakataon, maikakategorya ito bilang simpleng kababawan. May marka pa rin naman itong iiwan sa dulo ano’t anoman.
Sabi nga ng makatang si Vim Nadera, patawanin mo ang sinoman at kapag nakabuka na ang bibig, puwede nang subuan ng mensahe.
Kaya hindi naman siguro kalabisan na pagbigyan ang sariling manood ng “Father Jejemon” ni Frank Gray, Jr. upang matawa sa dalang komedya ni “Comedy King” Dolphy habang unti-unting natatamo ang aral na nakasapin sa pelikula.
Nakasentro ang kuwento ng “Father Jejemon” sa karakter ni Dolphy bilang pari na bagong destino sa isang bayan. Makakaengkwentro siya ng positibo at negatibong reaksiyon mula sa mga residente ng lugar.
Bagama’t makakaugnay siya sa mga kabataan, mapapansilanaman ang kaniyang bokasyon dahil sa kasakiman ng isang negosyante.
9. Lorenzo Ruiz: The Saint…A Filipino!
Pelikula ang isa sa mga mabisang paraan upang higit na makilala ng marami ang isang tao. Kaya magandang hakbang ang pagsasapelikula sa buhay ng kauna-unahang santong Pilipino na si Lorenzo Ruiz.
Tampok sa biopic na ito ang buhay ni Lorenzo mula sa pagsisilbi niya bilang altar boy sa isang simbahan sa Binondo hanggang sa maging martir siya matapos patayin sa Okinawa, Japan nang naninindigan pa rin sa kaniyang pananampalataya.
10. Pedro Calungsod: Batang Martir
Makalipas ang higit dalawang dekada, nadagdagan ng isa pang santo ang Pilipinas. Idineklara ng Saint Peter Basilica bilang santo si Pedro Calungsod noong Oktubre 2012.
Namuhay si Calungsod sa loob ng maikling panahon bilang migrante, sakristan, at misyonaryong katekista kasama ang Heswitang pari na si Fr. Diego de San Vitores. Inusig siya sa Guam dahil sa pagpapalaganap niya doon ng Kristiyanismo. Hanggang sa patayin siya sa edad na 17.
Ito ang sinubukang itampok sa “Pedro Calungsod: Batang Martir” ni Francis Villacorta noong 2013 na ang titular character ay ginampanan ni Roco Nacino.
11. Sister Stella L
Ipinakita sa “Sister Stella L” ni Mike De Leon na ang responsibilidad ng mga alagad ng Diyos ay tumatagos sa mga lansangan at hindi lang limitado sa komportableng espasyo ng simbahan.
Matapos masangkot ni Sister Stella sa welga, nagsimula ang pagkamulat niya sa mga umiiral na panlipunang problema. Natagpuan niya ang sarili sa kalagayan ng mga manggagawa at ang kakapusan ng pamahalaan sa mga mamamayan nito.
Hinahamon ng pelikula na tanungin ng mga manonood ang kani-kanilang sarili: “Kung hindi tayo kikilos, sino ang kikilos? Kung hindi ngayon, kailan pa?”
12. Maging Akin Muli
Dinirek ng National Artist na si Marilou Diaz-Abaya ang “Maging Akin Muli” at pinroduce ng Jesuit Communications Foundation sa pakikipagtulungan ng Archdiocese of San Fernando, Pampanga at Asia Pacific Film Institute.
Matutunghayan sa pelikula ang kuwento ng buhay ni Jun-jun—na gagampanan ni Marvin Agustin—sa pagbabalik niya bilang bagong ordeng diyakono sa bayang pinagmulan niya.
Bilang paghahanda sa kaniyang bokasyon, sasailalim siya sa mahigpit at kumbensyonal na gabay ni Fr. Salvador Bautista, gagampanan naman ni Noel Trinidad.
Ginagalugad ng pelikula ang mga nagsasalimbayang tensyon sa pagitan ng kalayaan bilang tao, kagustuhang buhay batay sa pamantayang itinakda ng sarili, at banal na karunungan.
Ikaw, ka-Balita, alin sa mga pelikulang ito ang plano o babalikan mong panoorin ulit ngayong Semana Santa?