Tinatayang 52% ng mga pamilyang Pilipino ang naniniwalang sila ay “mahirap,” ayon sa inilabas na resulta ng survey ng Social Weather Stations (SWS).
Base sa survey ng SWS para sa buwan ng Marso na inilabas nitong Sabado, Abril 12, tumaas ang naturang 52% mga pamilyang Pinoy na nagsabing napabibiliang sila sa hanay ng mahihirap kung ikukumpara sa 51% na naitala noong Pebrero 2025 at sa 50% noong Enero 2025.
“The estimated numbers of Self-Rated Poor families were 14.3 million in February 2025 and 14.4 million in March 2025,” anang SWS.
Lumabas din naman sa bagong survey na nasa 36% ng mga Pinoy ang nagsabing hindi sila mahirap.
Samantala, 12% ng mga pamilya sa bansa ang nagsabing sila ay nasa borderline o nasa pagitan ng mahirap at hindi mahirap.
Isinagawa raw ng SWS ang nasabing survey mula Marso 15 hanggang 20, 2025 sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,800 registered voters sa bansa.