Nasakote ng pulisya ang isang radio broadcaster na nagtangka umanong mangikil sa isang politiko kapalit ng umano'y pananahimik niya sa kaniyang programa sa Valencia City, Bukidnon.
Ayon sa ulat ng isang lokal na pahayagan nitong Sabado, Abril 12, 2025, natimbog ng ilang tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang suspek na si Liezel Banga, isang blocktimer sa isa umanong radio station sa Valencia City.
Lumalabas sa imbestigasyon na nanghihingi umano si Banga ng ₱350,000 kay Guillermo De Asis—kasalukuyang konsehal at tumatakbong alkalde ng lugar.
Si De Asis mismo ang humingi ng tulong sa NBI matapos manghingi ng pera si Banga kapalit umano ng kaniyang pananahimik sa kaniyang programa sa radyo kung saan niya binabanatan ang ilan pang mga kandidato.
Natimbog ng NBI si Banga matapos niyang matanggap ang nasabing ₱350,000 at kasalukuyan ng nasa kustodiya ng mga awtoridad. Posible umano siyang maharap sa reklamong extortion.